Hindi makita ang linaw ng financial assistance na ipinangako sa mga OFWs. Pati ang pagpapauwi sa probinsya ay tila nalimutan na rin.
Wala na namang nangyari sa mga pangako ng administrasyong Aquino na bigyan ng ‘financial assistance’ ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Egypt na napilitang umuwi sa bansa dahil sa kaguluhan doon.
Ayon sa interview sa mga OFW ay tila pinabayaan ng OWWA o Overseas Workers Welfare Administration ang mga pinauwi ng bansa mula sa Egypt nitong Pebrero 6. Hindi rin daw inasikaso ang pagpapauwi sa kanila sa probinsya, dagdag pa ng mga OFW. Kaya’t hindi makita ang linaw ng financial assistance na ipinangako.
Matatandaan na ipinangako ng gobyerno na bibigyan ng kaunting pangkabuhayan ang mga OFWs na boluntaryong uuwi mula sa Egypt. Subalit mahigit isang linggo na ang lumipas, wala pa ring naipapaabot ang OWWA sa dalawang OFWs.
Samantala, dumating na sa bansa ang ikatlong grupo ng manggagawang Pinoy na kinabibilangan ng 30 kababaihan, tatlong lalaki at tatlong minor de edad na boluntaryong umuwi sa pangambang maipit sa kaguluhan sa Egypt, kahit bumaba na sa puwesto si Pangulong Hosni Mubarak.
Natapat na Araw ng mga Puso ang pagdating ng grupo at lumulan ito sa Emirates Air na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bandang alas-3:30 ng hapon.
Ayon sa OWWA, pawang nagmula sa Cairo ang mga dumating na mga Filipino.