Hukuman: “Sila’y tulad rin ng mga italyano”. Sagot ng Asgi: “Kahit ang may normal na permit to stay”.
Roma – Ang allowance mula sa INPS para sa pamilyang may maraming miyembro ay tulong pampinansiyal na nagkakahalaga ng halos 130 euro bawat buwan, ibinibigay ng mga munisipalidad sa mga pamilyang may mababang kita at may “at least” tatlong anak na menor de edad, originally para sa mga mamamayang italyano lamang. Lumipas ang ilang panahon, ito’y ibinibigay na rin sa mga EU citizens, sa mga political refugees at holders of subsidiary protection.
Sa ngayon ay lumawak na ang karapatang ito sa tulong ng hatol mula sa Korte ng Gorizia. Noong ika-1 ng Oktubre isang tagahatol o huwes ay tumanggap ng apela mula sa isang mamamayan ng Kosovo at Associazione Studi Giuridici sull’Immigrazione (ASGI) matapos tanggihan ng munisipalidad ng Monfalcone ang pagbibigay ng allowance sapagkat ang huli ay dayuhan.
May permesso di soggiorno ce per soggiornanti di lungo periodo (na dati’y kung tawagin ay carta di soggiorno) ang nasabing kosovar at ayon sa european directive, siya ay may karapatang tumanggap ng social assistance tulad ng isang mamamayang italyano. Ang Asgi ay sang-ayon na dapat umapela sapagkat ang taong ito ay dumanas ng diskriminasyon.
Pinaboran ng huwes ang apela at sumang-ayon na ang hindi pantay na pagtingin sa mga national citizens at EU citizens at dayuhang may permesso di soggiorno CE per lungo soggiornanti ay labag sa batas. Dapat ibigay ng munisipalidad ng Monfalcone at Inps ang family allowance pati na ang karampatang interes sa hindi naibigay na tseke sa Kosovar.
Hindi natatapos dito ang laban. Itataguyod ng Asgi ang iba pang kaso upang mabigyang ng allowance ang mga may permesso di soggiorno, sa ngalan ng prinsipyong konstitusyunal sa pantay at tamang pagkilala sa karapatan ng mga dayuhan at maiwasan ang diskriminasyon sa katauhan ng isang mamamayan. (Liza Bueno Magsino)