Ginanap sa Alpheus, sala Mississippi noong nakaraang Linggo, Dec 5 ang pagtatanghal sa mga nanalo sa ginanap na ‘song writting contest – Roma Suona dal Mondo’. Ito ay isang programa ng mga Consiglieri Aggiunti Comunali na naglalayong ihayag sa pamamagitan ng isang awitin ang tema ng integrasyon. Pinili ang second generation o mga kabataan sa contest na ito upang alamin ang kanilang saloobin, hinaing at mga pananaw bilang bagong henerasyong nakikipag sapalaran sa kanilang bansang sinilangan na hindi maituturing na kanilang sariling bayan.
Nakita ang napakainit na pagtanggap ng mga kabataan sa nasabing contest. Bukod sa mga makabuluhang awitin at magagandang performance ng mga ito, hindi inaasahan ang partisipasyon na aabot ng 24 na entries.
‘Ang kanilang mga sinulat na awitin, ay isang tagumpay di lamang ng kanilang mga talent kundi pati inspirasyon para sa marami pang kabataan’ masayang mga pangungusap ni Romulo Salvador. ‘Naging malaking tulong din ito sa akin bilang konsehal upang malaman ang tunay na saloobin ng ating mga kabataan, importante ito sa mga susunod pang proyekto mula sa Comune di Roma’, dagdag pa nya.
‘VICOLO CIECO’ mula sa Roma ang nanalong grupo at ‘Costretto a Migrare’ ang kanilang awitin; naglalarawan ito ng mga mapapait na tadhana kung bakit kailangang iwan ng isang migrante ang kanyang pamilya at bayan. Samantala, bilang Miglior canzone dell’integrazione (Best integration song) ay ibinigay sa isang binatang Pilipino, tinago ang kanyang identity sa pangalang RETRACT, at ang titolo ng kanyang inawit ay ‘Non c’è una soluzione’ na naglalarawan naman ng mga difficulties ng mga kabataan.
Naging mainit naman ang pagtanggap sa grupong WATER COLOR ng mga bisita at ng mga participants sa pinakitang galing sa pagtugtug ng mga kabataang Pinoy na syang nanalo sa ginanap na ‘battle of the bands’ ng nakaraang taon sa Teatro Leone Magno.
Patunay lamang ito na hindi pahuhuli ang ating lahi sa larangan ng musika.