Kabilang sa pangunahing layunin ng Filipino Women Migrants Association of Northern Italy (FILWOMAN) ang matulungan ang mga kababaihan dito sa Hilagang Italya partikular sa aspeto ng kalusugan.
Kaya naman, inilunsad ng FILWOMAN ang proyekto na nagbigay pagkakataon sa mga kababaihan na maipa konsulta ang kanilang kalusugan lalong lalo na ang reproductive system. Ang proyekto ay tinawag na “Preventive Medicine” the secret to successful, healthy living!
Isang Italian obstetrician/gynecologist ang sumusuporta sa grupo para maipatupad ang mga welfare projects nito. Mahigit sa dalawampung kababaihan ang nagtungo sa Centro Medico Sant’Agostino, isang pribadong klinika, upang sumailalim sa PAP TEST.
Ipinaliwanag ni Dott’sa Letizia Parolari, OB/GYNE, ang kahalagahan ng pagpapakonsulta lalong-lalo na ng reproductive system upang maiwasan ang pagkakaroon ng cervical cancer. Marami umano sa mga kababaihan hindi lamang sa mga Pilipino, ang naisasantabi ang kalusugan dahil sa kawalan ng panahon.
Ayon naman kay Angelina Rodriguez, ang Filipina midwife na tumutulong kay Parolari, iba’t iba ang mga problemang nararanasan ng mga kababayang nanganganak dito sa Italya. Kabilang dito ang panganganak sa napakamurang edad tulad ng katorse, ang iba naman umano ay na de-desperado dahil ayaw panindigan ng ama ng bata ang anak, at meron din umano’ng mga labis na nagkakaproblema dahil may kapansanan ang sanggol.
Pinuri naman ng mga kababaihan ang proyekto ng FILWOMAN. Ayon sa kanila ang awareness na ibinahagi ng grupo kaugnay sa kalusugan ng mga kababaihan ay napakahalaga. Sinabi ni Elsie Gubat-Manlangit, nakatulong umano sa kanila ang PAP Test dahil hindi na umano nila ito naiisip na gawin kahit umuuwi sila sa Pilipinas. Ang alam lamang umano nila ay ang Pap Test ay isang cleaning process ngunit di nila alam na malaki ang kinalaman nito upang mabatid kung may diperensya ang reproductive system ng isang babae.
Sinabi pa ni Parolari na mahalaga ang paglulunsad ng mga seminar at mga pagtitipon lallong lalo na sa mga kabataan upang makapag bigay impormasyon ukol sa kalusugan.
Bilang pasasalamat sa walang-sawang paggabay ni Parolari sa mga kababaihan, isang crystal vase ang ipinagkaloob dito ng FILWOMAN. (Zita Baron)