Sa magkaibang lugar at magkaibang sitwasyon, dahil sa sigarilyo at shaboo, mga Pilipino nasa mga dyaryong muli.
Roma – Dalawang Italyano, parehong 27 taong gulang, ang nagtungo sa istasyon ng mga pulis dahil biktima diumano ng pambubugbog ng mga Pilipino noong nakaraang Biyernes, ika-19 ng Agosto.
Ayon sa report ng mga ahente ng Pulis ng Fidene, ay hiningan diumano ng sigarilyo ng dalawang binata ang isang grupo ng mga Pilipino na tila mga lasing. Kahit na naninigarilyo ang mga Pinoy, ay ‘wala’ ang naging sagot ng mga ito sa dalawang Italyano. Maaring naging sanhi, ayon pa sa report, ang mga patudsada ng parehong grupo na naging sanhi ng away at nauwi sa bugbugan.
Napansin ng isang binata na wala ang kanyang wallet ng dumating ang mga ito sa ospital. Ngunit ng sumunod na araw ay natagpuan naman ang wallet kung saan naganap ang away, taglay pa rin ang 30 euros nito.
Bagaman hindi malubha ang kalagayan ng mga binata, ang isa sa kanila ay kasalukuyang nasa ospital ng Ospedale Pertini sa natamong head injury.
Ayon pa sa mga pulis ay nakilala na diumano ang mga Pilipino.
————————
Samantala sa Valdichiana, matapos ang isang tsekpoint sa toll gate ng A1 Valdichiana Bettolle ng Carabinieri ng Aliquota Radiomobile ng Montepulciano noong nakaraang Martes, ay inaresto ang isang 51 taong gulang na Pilipino, kasalukuyang naninirahan sa Pisa.
Ayon sa report, natagpuan sa loob ng sasakyan ng Pilipino ang maliliit na puting butil na tila asin. Ayon sa Pilipino, ito diumano ay isang gamot mula sa Pilipinas. Ngunit matapos ang isinagawang mga pagsusuri ng Laboratorio Analisi Sostanze Stupefacenti di Grosseto ay napag-alamang ito ay isang uri ng drugs na lalong kilala sa tawag na ‘shaboo’, isang methamphetamine na ang epekto ay 8 hanggang 9 na beses na mas malakas kaysa sa cocaine.
Labinlibang gramo ang natagpuan sa sasakyan ng Pilipino, na katumbas ang 110 doses.
Ito ang kauna unahang pagkakataon na ang ganitong uri ng pinagbabawal na gamot ay natagpuan sa Valdechiana.