Pinirmahan na ng Head of State ang regulasyon. Ilang araw na lang ang hinhihintay at ilalathala na sa Official Gazzette, subalit kailangan pang maghintay ng apat na buwan bago ito ipatupad.
Roma – Hindi nawawala ang permesso a punti at ito’y tuluyan nang magiging batas sa loob lamang ng ilang araw. Kailangan lamang maghintay hanggang 2012 bago ito ipatupad.
Ipinahayag sa batas ng seguridad 2009 na ang sinumang papasok at maninirahan sa Italya ay dapat pumirma sa kasunduan at dapat sumunod sa mga itinalagang layunin, tulad ng kaalaman sa wikang italyano, kaalaman sa Saligang Batas at functions ng mga institusyong italyano. Ang hindi makakatupad nito sa loob ng dalawang taon ay bibigyan lamang isa pang taon upang bumawi.
Upang sukatin ang antas ng integrasyon ng mga dayuhan, isasagawa ang point system na kailangang paramihin sa pamamagitan ng pag-iipon ng merits (halimbawa: diploma sa Italya) at babawasan naman ang puntos (demerits) (halimbawa: criminal conviction kahit ito’y hindi pa “final”). Kung umabot sa zero point, mababalewala ang permit to stay (permesso di soggiorno) at mapapauwi sa sariling bansa(deportation). Ang verification ay ipagkakatiwala sa mga Sportello Unici per L’Immigrazione na siya ring mag-oorganisa ng italian test at kulturang Italyano.
Mula taong 2009 hanggang sa kasalukuyan ang batas na ito ay nanatiling nakasulat lamang sa papel. Ang regulasyon sa pagsasagawa ng nasabing batas ay tuluyan ng inilunsad ng gobyerno nito lamang nakaraang buwan ng Hulyo, matapos ang mahabang proseso na umabot sa isang taon. Noong nakaraang linggo , ang teksto ay pinirmahan na ng pangulo ng Republika at sa ngayon ay naghihintay na lamang na dumaan sa Court of Auditors bago ilathala sa Official Gazzette.
Sa kabila ng paglaganap ng mga banghay ng teksto tungkol sa nasabing integration agreement (draft), kailangan pa rin maghintay ng ilang araw bago malaman ang implementing procedures o mga detalye ng patakaran, at may panahon pa para diumano makasanayan ang mga ito. Ang kasunduan at point system ay isasagawa apat na buwan matapos na mailathala ang regulasyon at dapat alalahanin na ito ay para lamang sa mga bagong darating sa bansang Italya.