Osteoporosis: Ano ito?
Ayon sa WikiPilipinas na naglathala tungkol sa bagay na ito sa pakikipagugnayan nila sa Department of Health ng Pilipinas, ang osteoporosis ay isang medikal na kalagayan kung saan ang buto ay unti-unting numinipis at humihina. Ang mga buto ng mga taong apektado ng osteoporosis ay mala-ispongha (sponge). Dahil marami ang mga butas nito, napapadali ang paglutong at pagbali ng mga buto. Naiiba ito sa kondisyon ng osteopenia kung saan ay numinipis din ang mga buto na maari ring mauwi sa osteoporosis.
Sa ating bansa, ang osteoporosis ay itinuturing na epidemiyang sumalanta sa mga mamamayan noong 2004. Kakaunti lamang ang nakakaalam tungkol sa sakit na ito, lalo na sa mga kababaihang menopause.
Likas sa malulusog na buto ang pagkakaroon ng protein, collagen, at calcium na nagbibigay dito ng tibay. Ang mga buto na naapektuhan ng osteoporosis ay madaling nababali sa mga pinsala na kadalasang hindi iniinda ng mga malulusog na buto. Maaaring magbitak ang mga buto (kagaya ng pagkabali ng mga buto sa balakang) o di kaya ay gumuho (tulad ng compression fracture ng mga buto ng gulugod). Kadalasan sa mga buto ng gulugod, baywang, tadyang, o sa may bandang pulso nagaganap ang pagkakabali ng mga butong apektado ng osteoporosis.
Malaki ba ang tsansa mong magkasakit nito? Ayon sa nailathala, malaki ang pagkakataong magkaroon ng osteoporosis ang mga sumusunod: mga kababaihan; mga Caucasian o Asyano tulad ng mga Pinoy; mga taong may maliit at balingkinitan na pangangatawan; mga may kapamilyang nagkaroon na ng osteoporosis (family history); mga dati nang nabalian ng buto sa panahon ng adulthood; mga naninigarilyoat malakas uminom ng alak; mga hindi nag-eehersisyo o mga taong hindi nakakakilos ng madalas; mga mababa sa calcium content ang kinakain; mga may mahihinang kalusugan at kulang sa sustansiya; mga nakakaranas ng malabsorption; mga kababaihang may mababang antas ng estrogen at kalalakihang mababa ang antas ng testosterone; mga sumasailalim sa chemotherapy; mga nakababatang kababaihan nakakaranas ng pagkawala ng regla; mga nakakaranas ng labis at madalas na pamamaga; mga nakakaranas ng hyperthyroidism at hyperparathyroidism; mga indibidwal na kulang sa bitamina D ang katawan at mga gumagamit ng mga gamot na katulad ng phenytoin, heparin, at prednisone.
Maaaring sa simula ay walang ipakitang sintomas ang osteoporosis at isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi agad nasusuri ang taong may sakit nito at nalalaman na lamang ang kanyang kondisyon sa oras na nabali na ang buto.
Paano naman ang pagsusuri para dito? Kadalasan, ang karaniwang x-ray ang nagpapakita ng osteoporosis sa buto dahil lumalabas itong mas manipis at mas magaan kumpara sa iba. Sa kasamaang palad, halos 30% na ng buto ang nawala kapag ito ay nadidiskubre sa pamamagitan ng ordinaryong x-ray. Isa sa mga iminumungkahi ng mga doktor ay ang paggamit ng dual energy x-ray absorptiometry (DXA o DEXA) upang malaman ng mas maaga ang osteoporosis. Kayang sukatin ng DXA ang kapal ng mga buto sa balakang at gulugod. Aabutin ng 5 hanggang 15 minuto ang pagsusuri gamit ang mas mahinang radiation kung ikukumpara sa ordinaryong X-ray. Ang kapal ng buto ng pasyente ay ikukumpara sa tinatwag na T-score. Kapag ang score ay -2.5 o mas mababa pa, positibo ito sa osteoporosis. Kung ang T-score naman ay nasa pagitan ng -1.0 hanggang -2.5, ang pasyente ay mayroong osteopenia.
Anu-ano naman ang mga paraan upang makaiwas? Iminumungkahi ang sapat ehersisyo para sa mga taong nais umiwas sa sakit na ito — hindi para palakasin ang mga buto kundi isulong ang pagkakaroon ng balanse sa pangangatawan at palakasin ang mga kalamnan. Ipinagiingat na umiwas sa mga ehersisyo na maaring makasama sa mga nanghihina nang mga buto. Ang mga pasyenteng edad 40 pataas at may mga sakit sa puso, labis na katabaan, may diabetes at may alta presyon ay kailangang sumangguni sa kanilang mga duktor na makakapagabiso ng tamang ehersisyo para sa kanila.
Importante ring itigil ang paninigarilyo. Tinatayang 5% hanggang 10% ang nawawala sa kabuuang bigat ng buto kung naninigarilyo ng isang kaha bawat araw. Ito ay nagdudulot ng pagbaba ng estrogen sa mga kababaihang naninigarilyo.
Nirerekomenda rin ang pagbawas sa pagkonsumo ng alak at kape. Kahit hindi pa malinaw ang resulta ng mga pag-aaral na nag-uugnay sa osteoporosis at sa pag-inom ng alak at mga inumin o pagkaing may caffeine, mas makabubuting mag-ingat at bawasan na lamang ang pagkonsumo ng mga ito.
Sa kabilang banda naman, ang pag-inom ng mga supplements ay maaaring makatulong sa pag-iwas o pagbawas ng peligro sa buto na maaring maidulot ng osteoporosis. Kabilang rito ang calcium. Ang mga pagkain at inuming mayaman sa calcium ay nakakatulong sa pagbuo ng malalakas at malulusog na buto lalo na kung ito ay sisimulan mula pagkabata, anuman ang kasarian, ngunit hindi dapat sosobra sa 2 gramo kada araw. Hanggang 500 mg lamang dapat ang iniinom sa bawat pagkakataon dahil hanggang doon lamang ang kayang masipsip ng bituka. Kung mahihirapan dumumi, mainam na calcium citrate na lamang ang inumin.
Ang vitamin Dnaman ang tumutulong upang masipsip ng bituka ang calcium. Kung walang Vitamin D, maaaring magkaroon ng osteomalacia o ang pagkawala ng calcium sa mga buto. Sa tuwing nasisilayan ng araw ang balat, kusang gumagawa ng Vitamin D ang katawan. Nakatuon sa pagpigil sa patuloy na pagnipis ng mga buto ang pag-lunas sa osteoporosis. Kung maari pa nga ay mapakapal at mapatibay pa ang mga buto.
Sinasabing kung may tamang pagkalinga, ang pagtindi ng osteoporosis ay maaring mapabagal o mapigil. Ang paghina ng mga buto at ang pagkabali nito ay maaring magdulot ng 20% na tsansang mamatay matapos makaranas ng matinding pagkabali ng buto gaya ng sa balakang. Sa edad na 80, 15% ng mga kababaihan at 5% ng kalalakihan ay maaaring may bali na sa kanilang mga balakang. Dahil dito, ang osteoporosis ay isang malubhang kalagayan na dapat iwasan, masuri, at gamutin.
Unti-unti nang nakilala ng mga Pinoy ang osteoporosis sa pamamagitan ng mga patalastas ng mga gatas na naglalayon na pumigil sa paglutong ng mga buto. Ang gatas nagawa sa soya beans ay maaari raw makatulong sa pagpigil sa osteoporosis dahil sa isoflavones na tumutulong sa pagkuha ng calcium sa pagkain. Gayunpaman, hindi pa ito napapatunayan.
Ang artikulong ito ay sadyang pang-impormasyon lamang. Hindi nirerekomenda kailanman ang paginom ng anumang gamot na hindi nireseta ng duktor o medical professional. Upang makasiguro, sumangguni sa inyong duktor para makapagkonsulta at mabigyang lunas ng mas maayos. (GABAY- KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME)