Angking mga talento sa pagkanta at lakas ng loob lamang ang tanging mga baon ng mga miyembro ng REGINA COELI CHOIR, parish choir ng bayan ng Rosario (mas kilala sa tawag na Salinas), Cavite, sa kanilang pagsali sa “The Rimini International Choral Competition” sa darating na Oktubre 6-9. Ito ay gaganapin sa Teatro Novelli, sa siyudad ng Rimini sa pangangasiwa ni Sig. Andrea Angelini bilang Musical Director. Ito ang kanilang kauna-unahang pagkakataon na sumali sa isang international choral competition.
REGINA COELI – may kahulugang Queen of Heaven na tumutukoy sa santong patron ng bayan ng Salinas, ang Nuestra Señora Virgen del Santissimo Rosario de Caracol (Our Lady of the Most Holy Rosary). Pangalan na may malalim at importanteng kahulugan sa 17 miyembro ng grupong ito, walong mga babae at siyam na mga lalaki. Sila ay sumailalim sa pagsasanay ni Bro. Renalie “Reynan” Aquino, na siya ring founder ng grupo na naitatag noong Agosto 8, 1997. Ang orihinal na pangalan ng nasabing grupo ay Regina Coeli Children’s Choir, sa kadahilanang ang mga kauna-unahang mga naging miyembro nito ay pawang mga batang babae na may mga edad na 10-12 taong gulang. Sa loob ng una nitong limang taon, nanatili ang grupong ito bilang all-girls choir, pero sa mga sumunod pang mga taon ay tumanggap na rin sila ng mga lalaking miyembro. Agad na nakumpleto ng grupo ang Soprano-Alto-Tenor-Baso (SATB) voice ensemble at ito’y naging isa ng ganap na maituturing na chorale group. Hindi naglaon, nang ang mga batang miyembro nito ay naglakihan na, ang dati nitong pangalan na Regina Coeli Children’s Choir ay pinalitan na lamang ng Regina Coeli Choir o RCC. Magmula noon, ang RCC ay patuloy na umaawit sa mga mass services sa Rosario at paminsan-minsan ding malimit ng naiimbitahan na mag-perform sa iba’t-ibang mga wedding ceremonies, birthdays at sa iba pang mga espesyal na mga okasyon. Sa pagsali ng RCC sa nabanggit na international competition, malaki ang suportang ipinakita ng mismong municipal mayor ng Rosario, Cavite, Mayor Jose Ricafrente, Jr.
Nakakaranas man ng iba’t-ibang problema at pagsubok sa loob ng nakalipas na 11 taon, ang Regina Coeli Choir ay nananatili palaging buo at matibay. Patuloy pa rin nilang ginagamit ang kanilang mga talento sa pag-awit sa paglilingkod sa Panginoon. Isang pamilya ang turingan ng mga miyembro nito sa isa’t-isa. Ang problema ng isa ay problema ng lahat at ang tagumpay ng isa ay tagumpay din ng lahat.
Ang mapili lamang bilang isa sa mga kasaling grupo na makikilahok sa kompetisyon ay maituturing na isa ng malaking biyaya para sa RCC. Habang nasa kompetisyon, ang Regina Coeli Choir ay magkakaroon din ng pagkakataon na umawit sa isang misa sa isasagawa sa 15th Century Renaissance Rimini Cathedral. Goodluck at hangad po naming lahat ang inyong tagumpay. (Rogel Esguerra Cabigting)