Ang hanay ng mga manggagawang migrante sa Roma, Italya ay nagpapahayag ng mariing pagkundina sa ginawang pagpaslang kay Rev. Fr. Fausto Tentorio, PIME, Kura Paroko sa Arakan Valley, North Cotabato. na kilalang tagapagsulong ng karapatan ng lumad at mga magsasaka sa naturang bayan.
Si Fr. Fausto Tentorio (Father Pops para sa kanyang mga parokyano) ay kilalang tagapagsulong ng karapatan ng lumad at mga magsasaka sa naturang bayan. Siya ay pinaslang ng di-kilalang salarin na hinihinalang military matapos ang kanyang pagmimisa at habang pasakay sa kanyang kotse upang magtungo sa isang pulong ng mga pari sa Kidapawan City. Ang salarin ay tumakas sakay ng isang motorsiklo matapos paulanan ng bala ang pari.
Maalalang si Fr. Fausto ay kababayan ni Fr. Tulio Favali na pinaslang ng isang grupo ng vigilantes sa ilalim ni Norberto Manero noong 1985. Muntik na ring namatay si Father Pops noong 2003 nang bumisita siya sa mga Lumad ng Kitaotao, Bukidnon na ilang bahagi nito ay sakop ng kanyang parokya noong itinatatag niya ang Tinanaon-Kulamanon Lumadnong Panaghiusa o TIKULPA, isang organisasyong tribal. Isa sa mga aktibidad ng pinaslang na alagad ng Diyos ay ang pagpigil sa pagmimina na nagpapalayas sa mga katutubo sa kanilang lupa at walang habas na sumisira sa lupa na umeepekto sa agrikultura sa pook na iyon.
Ang pamamaslang ay naganap matapos ang deklarasyon ni Maj. Gen. George Segovia, kumander ng 10th Inf. Division, na ang Southern Mindanao ang siyang kasalukuyang epi-sentro ng pagkilos ng NPA sa Mindanao. Subalit malinaw na mga pawang alagad ng simbahan at mga progresibong mga aktibista ang napapaslang kagaya ni Fr Pops nan walang ginawa kung hindi ang mga tumututol sa walang patumanggang pagmimina at nagsusulong ng karapatan ng mga katutubo at ang kaakibat nitong impunidad gayundin sa harapang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng kasalukuyang ipinapatupad na counter-insurgency plan Oplan Bayanihan ng rehimeng Aquino.
Nararapat na kaagad na mabigyan ng katarungan ang pamamaslang kay Father Pops at sa lahat ng biktima ng sumaryong pamamaslang at sapilitang pagkawala o desaparecidos. Ipinapaabot ng mga migrante sa Roma ang mainit na pakikidalamhati sa pamilya ng yumaong pari at kagya’t na nananawagan ng agarang hustisya.
ITIGIL ANG PAMAMASLANG!!!
WAKASAN ANG IMPUNIDAD!!!
HUSTISYA PARA KAY FR. FAUSTO TENTORIO AT SA LAHAT NG BIKTIMA NG EXTRA-JUDICIAL KILLING!!!
(Umangat-Migrante Rome)