Edgar Valenzuela, ang itinuturing ng mga Filipino na “Un Uomo per Altri” sa bansang Italya. Sa isang exclusive interview ng Ako ay Pilipino, alalahanin natin ang kanyang malaking kontribusyon sa Filipino Community sa Roma.
Ano ang naging dahilan ng pagpunta mo sa bansang Italya ?
Dumating ako sa Italya bilang isang “International civil servant”, nanungkulan sa United Nations Food and Agriculture Organization (FAO) na may pandadigdigang headquarters sa Roma noong Marso 1990. Ako ay kabilang sa 3,000 opisyal ng FAO na nagsisilbi sa mga pangangailang ng mga Department at Ministry ng Agrikultura sa buong mundo sa larangan ng policy (mga patakaran) at tulong na teknikal.
Kasama mo ba ang iyong pamilya dito sa Roma ?
Kasama ko ang aking asawa si Cristina Liamzon, at dito sa Roma nag-aral ang dalawa naming anak si Eric at Myra hanggang nalatapos sila ng High School. sa American Overseas School of Rome sa Via Cassia. Pagkatapos ang mga anak namin ay nag-aral ng kollegio sa Tufts University sa Boston. Ang aking maybahay ay nanatili dito sa Roma at nagtrabaho bilang isang “consulente” para sa ibat ibang UN agency gaya ng IFAD, UNDP at FAO. Naging aktibo din siya sa mga civil society organizations or NGOs.
Ano ang mga naging tungkulin mo sa FAO ?
Sa kasalukuyan, ako ang Chief ng World Food Day and Advocacy Activities unit sa tanggapn ng Corporate Communications and External Relations (Komunikasyon at relasyon esterno). Ako ang may tungkuling mag-organisa ng mga ebento at celebrasyon na may kaugnayan sa anibersaryo ng FAO, paghawak sa mga “Goodwill Ambassadors (mga celebrities at mga sikat na tao na tumutulong sa Organisasyon upang ibahagi and mga mensahe ng paglaban sa extreme poverty and world hunger. Ako ang nangangasiwa sa 130 bansa tuwing sasapit ang 16 Oktubre, ang “World Food Day.”
Ano ang naging kontribusyon mo sa mga Filipino Communities sa Roma ?
Kasama ang dalawang Embahada (Italya at Holy See) ako ang naglunsad sa unang unang pagkakaton ng selebrasyon ng Philippine Independence Day (PID) sa tuloong ng isang komitato, buhat sa mgapropesyonal at mga colleagues na Filipino buhat sa FAO, IFAD at WFP (mga Rome-based UN food agencies dito sa Roma). Noong 1996, ang unang selebrasyon ng Philippine Independence Day ay ginawa sa Piazzale Ss. Pietro e Paolo sa tabi ng Basilica sa Eur. Sa paglipas ng mga taon, kasama ng Embahada, at ng mga komunidad ng Pilipino sa Roma ay nagkatulong-tulong sa mga tungkulin at responsabilidad para sa organisasyon ng ating “Araw ng Kalayaan”. Noong 2008 ay natatag ang Philippine Independence Day Association (PIDA) na ngayon ang nangangasiwa sa mga gawain na ito at ako ang itinalagang adviser. Ang mga pagtatanghal ay taunang ginaganap sa Piazza Ankara mula noong 2007 (katabi ng Piazzale Manila) sa Municipio 2 sa pamamagitan ng PIDA.
Ano naman ang naging gawain mo bilang bolontario para sa Simbahan ?
Kasama ng aking maybahay na si Tina, kami ay naging aktibo sa Sentro Pilipino Chaplaincy ng Vicariato sa Roma na ang tanggapan ay nasa Basilica di Santa Pudenziana sa Via Urbana. Ako ay naging co-convenor ng Komitato ng Jubileo (1999-2001) sa pangangasiwa ni Fr Remo Bati, SDB ang unang cura paroko at kami ni Tina ay naging co-Directors ng Family Ministry (2005-2010) ng Komisyon ng Youth and Family sa kasalukuyang Parish council kasama ni Fr Romeo Velos, CS ang kasalukyang Cura paroko. Nakapaglunsad kami ng ibat-ibang programang pang pastoral para abutin ang mga pangangailang ng ating mga kapwa sa Roma. Nakabuo kami ng mga programa: ang pre-Cana at marriage counseling seminars para sa mga magpapakasal; ang marriage enhancement workshops para sa mga kasal na nagnanais pang mapalalim ang relasyon sa Diyos at sa isat-isa, mga home visits para maabot ang mga hindi na nagsisimba o nag susugal sa mga apartment, faith deepening at mga rekoleksyon para sa mga boluntaryo ng Family at Youth ministry, Parent- youth dialogue forum para sa mga pamilya na may teenager, ang hopeline – isang pamamaraan para tumugon sa mga nagangailangan, peer counseling training sa pamamagitan ng pag-ugnay sa Ugat Foundation ni Fr Nilo Tanalega, SJ, at mga pagsasanay ng mga boluntary sa pamamagitan ng Catechetical at Leadership program ng Sentro Pilipino at Ateneo School of Government.
Ano naman ang naging tungkulin mo sa Associazione Pilipinas-OFSPES ?
Ang Associazione Pilipinas OFSPES ay isang non-profit na samahan na naging partner ng Embahada at ng POLO at OWWA sa computer training learning center. Sa ngayon, mahigit na 1,000 trainees ang nakasama sa computer basic course. Ito ay nagpatuloy sa pangangasiwa ng OWWA. May mga ibang Gawain ang Associaione Pilipinas OFSPES sa larangan ng kultura at musika, gaya ng parangal kay Lea (Salonga) na naisagawa ng Oktubre 2010 nang hinirang na FAO Goodwill Ambassador ang aktres.
Ano naman ang LSE ?
Ang Leadership and Social Entrepreneurship Training Program (LSE) ay isang pagsasanay na isinasagawa ng Associazione Pilipinas OFSPES kasama ng Ateneo de Manila University, ang Embahada sa Italia, Konsulato sa Milano at POLO-OWWA at ngayon kasama na rin ang CFO (Commission on Overseas Filipinos). Itong programang ito ay nagtuturo ng financial literacy and social entrepreneurship upang makatulong sa reintegrasyon sa Pilipinas ng mga ofws. Sa loob ng huling tatlong taon, higit sa 300 na ang nakatapos sa kursong ito sa Roma, Napoli, Firenze, Milano at Torino. Ang mga kurso ito ay may 12 whole day sessions at isinasagawa sa loob ng anim na buwan. Ito ay sinusundan ng isang practicum course para maisabuhay ang mga natutunan at himayin ang mga pag-aaral sa mas malalim na pagsusuri. Ang mga nakatapos sa mga kursong ito ay kinikilala ng Ateneo School of Government at sila ay itinuturing na mga Atenista, gaya ko.
Mayroon pa bang ilang proyekto ang LSE ?
Batay sa magandang resulta ng LSE, pinaplano ng Ateneo School of Government na magbukas pa ng iba pang programa sa ibang bansa gaya ng Francia (sa Paris) o sa Espanya (sa Barcelona o Madrid) at sa Hong Kong at Singapore. Ang iba pang mga lungsod tulad ng Dubai, Copenhagen at Oslo. Sa Italya, may dalawang programang magsisimula sa Mayo 2012, maaaring sa Palermo at sa Milano. Abangan na lamang ang mga detalye dito sa Akoý Pilipino newspaper at maging sa www.akoaypilipino.eu sa mga darating na buwan.
Ano ang inyong mga plano sa inyong pag-uwi sa ating bansa?
Ako ay itinuturing ng Ateneo School of Government na isang Adjunct Professor para sa mga programma nila at ipagpapatuloy ko ang pagiging mentor sa mga nakatapos sa LSE, gamit ang internet at ibat ibang mga social media, tuloy-tuloy ang pakikipagugnayan sa mga nakatapos na ng kurso sa pamamagitan ng webcam (skype, messenger) sa facebook at twitter at iba pa. Ako rin ay makakasama sa NGO ng OFSPES Phillipines Inc – isang partner din sa LSE.
Para sa inyong nalalapit na pag-uwi sa Pilipinas ?
Ako ay kumuha ng early retirement sa FAO at ang huling buwan ko dito ay sa Enero 2012. Pero dahil marami pa akong bakasyon, pwede na akong hindi pumasok pagkatapos ng unang linggo ng Disyembre.Ako ay naglingkod sa FAO dito sa Roma ng 22 taon at nagsilbi din ako sa tanggapan ng FAO sa Bangkok Thailand ng 4 na taon. Sa aking pag-alis ay mawawalan ng Filipino senior officer sa FAO. Ito ay isang hamon sa ating mga kabataan na mag-aral at magsikap upang makapasok sa UN. Arrivederci Roma – hanggang sa muling pagkikita!