Isang matagumpay na pagtatatag ng Hometown Association ang ginanap sa Roma noong nakaraang Linggo, ang VIVA – VIGAN ASSOCIATION ROMA CAPITALE.
Ang Filipino Community of Vigan sa Roma na binubuo ng 91 miyembro sa kasalukuyan, ang nagdiwang ng Induction Ceremony noong nakaraang linggo. Nanumpa bilang mga opisyal ng nasabing asosasyon sina:
Presidente Narciso Castaneda
Vice President Carmelita Parungaw
Secretary Evangeline Rabino
Vice Secretary Ferdie Itchon
Treasurer Nestor Melchor Alonzo
Ass. Treasurer Edwin Quiton
Auditor Aida Arce
PRO Aileen Joy Rabara
Ass. PRO Naty Alcantado
Ang panunumpa ay pinamunuan ni Hon. Romulo Salvador, ang Konsehal sa Filipino sa Roma Capitale at sinundan naman ng isang bendisyon ni Fr. Marcial Lloyd Castaneda.
Ang mission-vission ng bagong tatag na asosasyon ay bigkisin ang mga taga-Vigan sa ‘Peace and Unity’ at ipagpatuloy ang koneksyon sa kanilang home town sa pamamagitan ng mga proyekto ukol sa ika-uunlad ng kanilang bayan maging ng popolasyong naiwan doon.
Naging malaking sorpresa naman sa nakakarami ang video clip message ng kasalukuyang Mayor ng Vigan na si Hon. Eva Marie Singson-Medina. Matatandaang si Mayor Singson ay nagtungo dito sa Roma noong nakaraang Agosto ng taong kasalukuyan. Nagkadaop-palad ang Konsehal na Filipino sa Roma na si Salvador at si Mayor Singson at dito nabuo ang magandang simulain upang pag-isahin sa diwa ang mga taga Vigan.
Ganap naman ang tuwa ng Konsehal ng Roma dahil ang Viva-Vigan Association ay ang unang-unang asosayon sa Roma na nag-angkop sa kanilang logo ng Roma Capitale bilang tanda ng kanilang pagiging bahagi ng lungsod na ito.
“Isang magandang simbolo ng integrasyon para sa ating mga Filipino ang pag-angking bahagi ng lungsod na ito” , mga pangungusap ni Salvador sa isang panayam dito.
Kapansin pansin din ang mga larawan sa logo nito. Ang kilalang Vigan house na simbolo ng Vigan at ang Coloseum na simbolo naman ng Roma. Parehong nasa ilalim ng pangangalaga ng UNESCO bilang World Heritage Site.
Noong 1999, ang Vigan ay napabilang sa World Heritage Site dahil sa labing naiwan dito, tulad ng mga kalye na cobblestone at sa natatanging arkitektura ng Philippine at Oriental design at construction na tinataglay ng mga gusali nito. Samantala ang Colloseum naman ay napabilang sa World Heritage Site ng taong 1980.
Kabilang sa mga naging panauhin si Timothy Ilagan Young ng WVYoung Enterprises sa Roma at nabigay ng financial literacy sa mga panauhin upang ipaalam ang mahusay na pag-iimpok at pagbibigay halaga sa pagod, hirap at pawis bilang puhunan ng mga ofws sa ibayong dagat.
Masaganang hapag ang pinagsalu-saluhan ng halos 200 panauhin habang pinakikinggan namang ang mga awiting Pinoy ng Onakoli band.