Ginanap sa Malacanang noong nakaraang Dec, 1 ang Awarding Ceremony ng OFW Bagong Bayani Awards 2011. Isang karangalan para sa mga Filipino sa bansang Italya na isang ofw mula sa Italya ang tinanghal bilang ‘Bagong Byani’.
“Ako si Irma Perez Tobias ipinanganak sa Sta.Cruz Laguna. Nangibang bayan sa gulang na 25 bilang direct hire domestic helper sa bansang Italya ng taong 1981. Isa sa mga founder ng kauna-unahang asosasyon ng mga manggawang Filipino sa Italya, ang Kampi o Kaisahan Ng Manggagawang Pilipino sa Italya”.
Ano po ang inyong naramdaman ng tanggapin ang karangalang ito, bilang ofw mula sa bansang Italya? Napakasaya at buong puso kong tinanggap ang karangalang ipinagkaloob sa akin ng ating bansa at ng BBA Foundation mula sa kamay ng ating Pangulong Benigno ‘Noy Noy’ Aquino III kasama ang aking mga mahal sa buhay na naging kaagapay ko sa aking gawaing ginampanan. Partikular ang aking pasasalamat sa tanggapan ng DTI sa pamumuno ni Mr. John Paul Inigo na siyang nagbigay pahalaga sa aking kakayahan .
Paano nyo po pahahalagahan ang parangal na ito? Paano mo mababago nito ang inyong pananaw? Para sa akin ay napakahalagang pagkilala ito mula sa ating bansa, upang ipalaganap at ipakita sa ating mga kakabayan na ang kusang loob at malinis na pagtulong at paggabay sa ating pamilya, kaibigan , komunidad at ating mga among pinaglilingkuran ay isang normal na etika upang mapayapa tayong makatupad at makapagsagawa ng mga bagay na ito.
Ang karangalang ito ay isang karagdagan lamang sa aking pagkatao upang maipakita at maging huwaran at bilang patunay na ang lahat ay maaaring maging ehemplo kung ang lahat ng bagay na aking nabanggit ay nasa ating mga kalooban.
Sa haba ng inyong eksperiensa bilang lingkod ng komunidad, para po sa inyo, alin sa mga serbisyong inyong naibigay sa komunidad ang naghatid sa parangal bilang ‘Bagong Bayani ‘? Tatlumpung napaka makabuluhang taon kong ginagampanan ang aking gawain dito, na sa aking palagay ang nagbigay daan upang ibigay sa akin ang parangal na ito. Ang aking isinulat na mga aklat: “IO sono Filippino” at “Manila Rome” na ginagamit sa Elementary at High School kung saan mayroong mga mag-aaral na dayuhan sa Italya, ay isa sa malaking kontribusyon ko sa ating bansa maging sa bansang Italya.
Ano po ang inyong iniwang mensahe o hinaing sa ating Pangulo para sa ikabubuti ng mga ofws sa Italya? May mga bagong programa ba ang Pangulo para sa ating mga ofw? Ang Pangulong Aquino ay maglulunsad ng mga programa na magbibigay ng hanapbuhay sa lumalaking popolasyon ng mga kabataan upang hindi na sila maka-isip pang mangibang-bansa. Nag-abot ako ng isang liham na ang nilalaman ay ang ating mahahalagang kahilingan na may kinalaman sa kasunduang bilateral ng ating bansa, ukol sa usapin ng mga retirees o ang pensyon at ang mga konkretong serbisyo ng ating mga embahada tulad ng ATN o Assistance to Nationals na kinakailangan pagtuunan ng pansin at pag-aaral lalo na sa panahon ng global economic crisis.
Ano po ang inyong maipapayo sa ating second generation sa Italya sa larangan ng social service? Ang ating pangalawang henerasyon ay nangangailangan ng konkretong gabay ng kani-kanilang pamilya upang hindi maligaw ng landas, ang unang bagay na dapat nilang gampanan ay ang pag-aaral dahil ito ang kanilang yaman para sa isang maayos na pamumuhay.
Sa mga pamilyang may mga suliranin sa kanilang mga anak ay huwag mag-atubili na ilapit ito sa mga institusyon na siyang may kakayahan upang isaayos ang tamang pamamaraan na kailangang ilapat sa kanilang problema. Sa mga kabataan, ang makilahok sang-ayon sa kanilang mga interes at kakayahan ay makakatulong sa sarili at sa komunidad.
Gaano naging kahalaga ang pagiging ‘politiko’ sa inyong karanasan bilang ofw sa bansang Italya? Ang karapatang bumoto ay isang mahalagang karapatan ng bawat tao bilang pagpapahalaga at pagkilala sa kanyang pagkatao. Itinuturing kong isang paghamon at pagsubok sa aking kakayahan ang paglahok ko sa eksperimentong pulitika sa Roma at dito ko nakilala at napatunayan ang mga uri ng tao at tunay na kulay ng pulitika sa Italya. Ito ay lalong nagpayaman sa akin upang maipagpatuloy ang napakalawak pang mga gawain para sa ating mga dayuhan sa bansang ito.
Anu-ano po ang inyong mga bagong proyekto? Ang mahalagang proyekto ay mabigyan ng tunay at konkretong tulong ang ating mga kabataan na magkaroon ng mga hanap buhay na nababagay sa kanilang mga taglay na kakayahan at mga tinapos na pinag-aralan lalong lalo na sa panahon ng pang ekonomiyang krisis ng bansang Italya na itinuturing kong pangalawang tahanan at pagkakaroon ng dalawang uri ng buhay.
Ang Kampi – Kaisahan Ng Manggagawang Pilipino sa Italya ay nagbibigay ng mga serbisyo na may kinalaman sa mga kondisyon ng mga dayuhang manggagawa sa Italya lalong lalo na sa ating mga kababayang Filipino. Nagbibigay rin ng mga trainings, workshops at seminars. May mga ugnayang pulitiko sa iba’t ibang sangay ng gobyernong Italyano at Pilipino gayun din sa mga NGos na tumututok sa usapin ng mga ofws sa lahat ng panig ng mundo. Kauna-unahang nagsagawa at naghain ng kahilingan na magkaroon ng mga kurso sa mediatore linguistico culturale noong taong 1996 upang makatulong sa unang henerasyon ng mga migranteng Filipino at sa mga dumadaming pangalawang henerasyon na may kinalaman sa kanilang mga suliranin at kondisyon. Isang mahalagang bagay sa proseso ng integrasyon ng mga Filipino sa bansang Italya. Nagsasagawa ng mga proyekto para sa libreng youth summer camp para sa mga anak ng mga pamilya ng mga dayuhang manggagawa sa Italya. Mga seminars para sa mga magulang at mga kababaihan para matulungan sa kanilang mga suliraning pang pamilya. Mga cultural workshops upang mapayaman ang ating imahe at maturuan ang mga batang ipinanganak dito ng ating mga tunay at mayamang kultura at etika.