in

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA HEPATITIS A, B at C

Ang atay ang pinakamalaking organ sa loob ng katawan, na nasa likod ng rib cage sa gawing kanan ng tiyan o sikmura. Ito’y tinatayang tumitimbang ng tatlong libra at halos kasinglaki ng bola ng football.

 

Ito ang nagproproseso ng halos lahat ng inyong kinakain, nalalanghap o nasasagap ng balat. Ginagawang enerhiya ng atay ang mga bagay na inyong kinakain at iniinom at mga kayariang sangkap (building block) para sa mga kalamnan, hormone ng katawan, pamumuo ng dugo, at pang-imyunong kadahilan. Iniimbak nito ang maraming bitamina, mineral at asukal para magamit sa susunod. Ang mga selula ng atay ay lumilikha ng apdo na tumutulong sa katawan para tunawin ang pagkain at sipsipin ang mga sustansya. Ang atay ang nag-aalis ng lason sa mga sangkap na masama para sa katawan. Kaya nitong patubuing muli ang sarili nitong himaymay. Halos ¾ ng atay ay maaaring tumubong muli sa loob lamang ng ilang linggo.

Ano ang hepatitis? Ang ibig sabihin ng hepatitis ay pamamaga sa atay. Maraming virus ang nakakapagbigay ng pamamaga sa atay at ang pinaka-grabe ay mga virus na Hepatitis A, Hepatitis B at Hepatitis C.

Ang Hepatitis A ay dulot ng Hepatitis A-virus (HAV). Karaniwang nakukuha sa pamamagitan ng  tubig na kontaminado ng HAV at pagkain na inihanda o ginawa ng taong may Hepatitis A na hindi malinis ang mga kamay at sa pamamagitan din ng dumi at dugo, halimbawa sa paggamit ng hindi malinis na pang-inyeksyon o sipilyo na pag-aari ng ibang tao. Ang sakit ay maaari rin maihawa sa pamamagitan ng pagsasama. Kadalasan ito ay kusang nawawala ng walang komplikasyon. Ang isang taong nagkaroon ng Hepatitis A ay hindi na tatablan ulit ng ganitong uri sa loob sa buong buhay niya.

Pag-iwas at paggamot sa Hepatitis A: i) kailangan maalaga sa paghugas ng kamay kapag maghahanda ng pagkain at pagkatapos manggaling sa kasilyas; ii) iwasang uminom ng tubig galing sa gripo; at iii) magpabakuna laban sa Hepatitis A.

Ang Hepatitis B naman ay dulot ng Hepatitis B-virus (HBV). Ang Hepatitis B ang pinakamalubhang pangkaraniwan na impeksyon sa atay at maaaring maging dahilan ng maagang pagkamatay. Isa sa bawat sampung (1:10) Asyano ay nabubuhay na may sakit sa HBV at karamihan ay hindi alam na apektado sila sa impeksyon.

Ang isang tao ay mahahawa sa Hepatitis B sa pamamagitan ng katas galing sa katawan  halimbawa ng pagsasama ng walang proteksyon, sa panganganak, mula sa bukas na sugat, at sa pamamagitan ng dugo halimbawa sa paggamit ng kontaminadong labaha, pang-ahit  o sipilyo na pag-aari ng ibang tao, at paulit-ulit na paggamit ng karayom na pang-tattoo, pang-inyeksyon, at tagos sa regla.

May dalawang klase ng Hepatitis B: malubha (acute hepatitis) at paulit-ulit (chronic hepatitis). Ang acute hepatitis ay nararamdaman ang palatandaan mula sa loob ng 2-6 buwan pagkatapos na mahawa. Ang chronic hepatitis ay walang nararamdamang palatandaan. Matutuklasan lamang ito sa pamamagitan ng blood test. Sa loob ng ilang taon maaaring maging cirrhosis (paninigas ng atay) at maaari rin matuloy na kanser sa atay. Sinasabing ang kanser sa atay ay ika-8 sa mga pinaka-kalimitang tipo ng kanser sa buong mundo. Kaya dapat na ang mga taong kronikong tagadala ng HBV ay palagiang magpa-eksamen ng dugo. Ang taong may chronic hepatitis B ay hindi maaaring mag-donate ng dugo, at ang ibang miyembro ng kasambahay ay maaaring mabigyan ng libreng bakuna laban sa sakit na ito.

Pag-iwas at paggamot ng Hepatitis B: i) ang paggamit ng kondom ay nakakatulong  laban sa HBV; ii) magpabakuna laban sa Hepatitis B; iii) iwasang gumamit ng hindi malinis na pang-ineksyon; iv) maisasalin ang virus mula sa ina hanggang sa sanggol sa pagbubuntis at panganganak pero maaaring maiwasan ito kapag ang sanggol ay mabigyan ng panlabang globulin (Hepatitis B Immunoglobulin) at bakuna kaagad-agad pagkapanganak. Ito ay 95 % epektibong pangproteksyon laban sa impeksyon ng HBV.

Ang Hepatitis C ay dulot ng Hepatitis C-virus (HCV). Ang virus ay naisasalin ng dugo-sa-dugo (blood-borne) na dating tinatawag na non-A/non-B hepatitis. Sa loob ng maraming taon, nito lamang 1989 napatunayan ng tao ang klase ng HCV sa pamamagitan ng blood test. Ito’y walang sintomas at namumuhay ng normal. Ang karamihan ng may hawang HCV sa ngayon ay matagal nang nahawa. Gayunman ang taong matagal nang may HCV patuloy at lumala sa loob ng 10-40 taon ay maaaring magdulot ng malaking pinsala sa atay, cirrhosis at kanser sa atay. HCV ang nangungunang dahilan ng mga liver transplant sa US.

Pag-iwas at paggamot ng Hepatitis C: i) iwasan ang paggamit ng hindi malinis na pang-inyeksyon; ii) ang patak ng dugo ay kailangan hugasan ng chlorox; iii) kailangan na ang taong kronikong tagadala ng HCV ay pirmihang nagpapa-eksamen sa dugo; iv) walang pangkasalukuyang bakuna o gamot para sa HCV ngunit maaaring mapuksa ng ibat-ibang panggagamot ang virus o mapabagal o mapigil ang paglala ng sakit para sa ilang tao; v) hindi pangkaraniwan na ang hepatitis C ay maihawa mula sa ina hanggang sa sanggol sa oras ng panganganak; vi) maaaring padedehen ang mga sanggol na ipinanganak ng mga inang may hawang Hepatitis C; at vii) bihirang mahawa ng HCV sa pamamagitan ng pagsasamang sekswal.

Mga palatandaan ng hepatitis : labis na pagkapagod, sinat, pagkahilo at pananakit ng ulo, kawalan ng gana sa pagkain, pag-iiba ng panlasa, mabigat na pakiramdam o pananakit ng kanang bahagi ng tadyang sanhi ng paglaki ng atay, pananakit ng kasukasuan, pagkakaroon ng pantal sa balat, pakiramdam ng pagkabusog, pagbagsak ng timbang, pagsusuka.

Ang palatandaan ng paglala ng sakit ay ang pagkakaroon ng jaundice. Ito ay ang paninilaw ng sclera (puting bahagi ng mata), ng balat at ng mucous membranes; matapang na kulay ng ihi at mapusyaw na kulay ng dumi ng katawan.

Pangangalaga: i) sikaping hindi malantad (expose) sa nakakahawang virus ng hepatitis; ii) pagpapabakuna laban sa hepatitis A at hepatitis B; iii) pag-iwas sa malimit na pag-inom ng alcohol; iv) kumain ng balanseng pagkain; at v) regular na pagpapatingin sa doktor.

Kahit na malusog ang inyong pakiramdam, ang rutinaryong pagsusuri ng dugo tuwing ika-anim na buwan para sa pinsala ng atay ay importante. Ang mataas na antas ng liver enzymes: ALT o SGPT (alanine aminotransferase) at AST o SGOT (aspartate aminotransferase )ay patunay na may pinsala sa atay. At magpa-ultrasonograpiya sa tiyan kung kayo ay may malubhang impeksiyon, cirrhosis o kaya kanser sa atay.

Mahalaga sa inyo at sa inyong pamilya na magpa-eksamen sa hepatitis B (HBV) dahil ito ang pinakamapanganib na banta sa kalusugan ng mga Asyano. Hingin sa inyong manggagamot ang mga sumusunod na eksamen sa dugo: hepatitis B surface antigen (HBsAg) para malaman kung mayroon kayong matalak na impeksyon sa hepatitis B; at hepatitis B surface antibody (anti-HBs) para malaman kung protektado kayo laban sa HBV.

Kung ang inyong HBsAg at anti-HBs na eksamen sa dugo ay negatibo, ibig sabihin na hindi kayo protektado at kailangan kayong magpabakuna laban sa hepatitis B. Ang bakuna laban sa hepatitis B ay tatlong (3) serye na binibigay sa loob ng anim na buwan para maprotektahan kayo habang buhay. Ang bakuna ay napaka-epektibo laban sa HBV at kanser sa atay kaya natawagan ito na “ang unang bakuna laban sa kanser” ng WHO. 

“Ang aming inilalathala ay sadyang gabay lamang. Importante pa rin ang pagsadya sa doktor o espesyalista na maaring magbigay ng iba pang mga tagubilin ayon sa mga pangangailangan ng bawat pasyente. Sila rin ang makakapagbigay-linaw kung mayroong mga katanungan o pag-aalala tungkol sa kalusugan”

 

Loralaine R. – FNA-Rome

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

ZENDRYLL, magbabalik sa Io Canto

Annak ti Sta. Catalina Filipino Community, nagdiwang ng Christmas Party