Oo, kaibigan dapat lang na ika’y matuwa
pagkagising pa lamang sa umaga
ngitian lahat ang mga problema
tingnan mo’t gagaan at mawawala
sikat ng araw maging hudyat ng bagong simula
Oo, kaibigan ika’y magsaya
pahirin mga luha sa mga mata
pagkabigo’y ‘di dapat sa’yo’y magpahina
sa mga pagkakamali’y dapat matuto ka
kailan ma’y ‘di dapat matakot at mag-alala
ihip ng hangiy mabigay bagong pag-asa
Oo, kaibigan ika’y tumayo
gawi’t ipaglaban mga kaiisipan mo
lalo’t alam mong mga tama’t magaganda ito
‘pag may katwira’y ipaglaba’t huwag sumuko
kapag nagtagumpay ‘wag maging palalo
magtahimik ng may ngiti’t maglakad ng taas noo
Oo,kaibigan huwag magdalawang isip
sa pangangarap ‘wag tumigil at maidlip
isiping sa buhay mahalaga ang bawat saglit
huwag sayangin mga bagay kahit maliliit
hanapin paraang maganda, patas at mabilis
upang katuparan ng lahat ay makamit
Oo, kaibigan huwag magbago
huwag hayaan mawala pag-ibig sa puso
pagmamahal sa kapwa’y panatilihin mo
kung may galit sa dibdib ay agad supilin ito
nang hindi maging apoy na susunog s’yo mismo
sa mga tao’y maging mahinahon lagi sa pakikitungo
Oo, kaibigan dapat paghandaan
hindi natin alam ang hatid ng kinabukasan
pagsikapang makamit ang hangad na kaligayahan
huwag sumuko’t tumigil kapag may mga hadlang
manalangi’t hingin ang gabay ng Maylalang
tunay na pag-ibig at pagpapala sa Kanya lamang
(ni: Demetrio ‘Bong’ Rafanan)