Ang Mahal na Araw ay ang panahon ng paggunita at pagbabalik-loob ng mga Kristiyanong Filipino sa tagapagligtas na kumakatawan kay Hesukristo.
Taun-taon ito ay ginugunita upang lalong mapalalimin ang pananampalataya. Binubuhay ang mahabang tradisyon ng mga Kristiyano, gaya ng pag-aayuno at pamamanata. Nakikiisa sa ginawang pagpapakasakit ni Hesukristo para sa kaligtasan ng buong daigdig. Naniniwala ang mga Katoliko na muling nabuhay si Hesukristo at nagbalik bilang patotoo sa mga ipinangaral nito sa kaniyang mga alagad at mananampalataya.
Ang Mahal na Araw ay nagsisimula pagsapit ng Miyerkoles ng Abo, ang araw na kinukrusan ng abo sa noo ang mga deboto bilang tanda ng kanilang pagsisisi. Paalaala rin iyon na “sa abo nagmula ang lahat, at sa abo rin magbabalik pagsapit ng wakas.” Miyerkules ng Abo ang naghuhudyat ng pagbubukas ng panahon ng pagsisisi, pag-aayuno, at pangungumpisal, na pawang paghahanda sa malagim na pasyon ni Hesukristo sa kamay ng kaniyang mga tagausig. Tumatagal nang 40 araw ang taunang tradisyon, at nagtatapos sa Pasko ng Pagkabuhay ni Kristo na ginaganap pagsapit ng Linggo.
Kilala ang mga Filipino sa paggunita ng Mahal na Araw. Ito ang pinaniniwalaang paraan upang magbalik-loob sa Diyos at talikuran ang kanilang mga maling pamumuhay.
Mga Sakrispisyo
Pag-aayuno, Di pagkain ng karne, Pagbibigay ng limos at Pagdarasal
Mga Gawain sa Mahal na Araw
Pabasa—Inaawit o kaya’y binabasa ng mga deboto ang mahabang pasyon ni Hesukristo. Ang nasabing pasyon na nasa anyong patula ay hango sa Bibliya ng mga Katoliko Romano. Ang grupo ng mang-aawit ay kakanta nang sabay sa saliw ng luma o bagong kanta.
Senakulo – Ginaganap sa lansangan o entablado, ang senakulo ay pagsasadula ng mga pangyayari hinggil sa mga dinanas ni Hesukristo bago at matapos ipako siya sa krus. Hango ang nasabing tradisyon sa Bibliya at iba pang tekstong apokripa. Pinakatanyag na senakulo ang ginaganap sa Marinduque, na tinawag na Pista ng Moriones.
Paghahagupit ng latigo sa harap ng Madla—Ito ang pagsasadula ng pagpapahirap at pagkamatay ni Kristo na ipinako sa krus. Ginagawa ito ng mga Katoliko na may panata, gaya ng masisilayan sa Pampanga at Rizal. Ang gayong pamamanata ay ang paraan ng mga deboto upang magpasalamat sa mga biyayang natamo nila sa Maykapal.
Kilala ang Cutud sa pagkakaroon ng ganitong gawain. Ang mga namamanata ay nakasuot lamang ng pantalon , may takip ang mukha ng mga deboto, at ang ulo aymay koronang tinik. Ang kanilang katawan ay hinahagupit ng latigo na may mga pako sa dulo.
Ang Biyernes Santo ang tanda ng pagkamatay ni Kristo. Karamihan sa mga bayan ay nagdaraos ng malaking prusisyon at ang mga imahen ng simbahan ay may balabal at talukbong ng itim na belo at nasa tuktok ng karosa. Isang paniniwala ng mga Filipino ay ang pagbabawal sa mga bata na maglaro sa araw na ito sapagkat patay si Kristo at kapag nasugatan ay matagal umanong maghilom.
Bago magbukang- liwayway sa araw ng Pasko ng Pagkabuhay, eksaktong alas-kuwatro ay ginaganap ang salubong. Ang mga imahen ni Birheng Maria at ang imahen ng Kristong Buhay ay magsasalubong sa gitna ng bakuran ng simbahan, habang ang mga batang nakasuot ng pakpak ng anghel ay masayang nagsasaboy ng mga talulot at umaawit nang taimtim. (Wikipedia)