Isang proyekto ng Embahada ng Pilipinas sa Roma at ng OWWA sa pakikipagtulungan ng Western Union.
Roma, Marso 22, 2012 – Inilunsad ang Italian Language Course ng Embahada ng Pilipinas sa Roma, ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pakikipagtulungan ng Western Union noong Nov. 16 ng nakaraang taon.
Layunin ng mga organizers na ituro ang basic Italian language course upang matutunan ng mga Filipino ang linguahe ng bansa gayun din upang makatulong sa mga Filipinos sa obligadong pagsusulit sa paghingi ng EU-long term residence permit na kilala sa carta di soggiorno. Ang kurso ay libreng ipinagkaloob sa mga partisipante.
Sinimulan ang unang batch ng nasabing kurso, na binubuo ng 45 mag-aaral noong nakaraang Enero 13. Kabuuan ng tatlumpung oras, tuwing araw ng Sabado, mula alas 9 hanggang 12 ng tanghali ang kurso sa Social hall ng Embahada. Si Mrs. Georgina Hetherton, buhat sa Western Union, ang naging gabay at guro ng mga naging mag-aaral
Samantala ginanap ang ‘Graduation Day’ ng 45 mag-aaral na lumahok sa unang batch noong nakaraang Sabado, Marso 17, 2012. Pinangunahan ang pagdiriwang ni H.E. Ambassador Virgilio Reyes, Consul General Grace Fabella, Welfare Officer Lyn Vibar, Mrs. Georgina Hetherton, at ng Community Consultant na si Benette Ramirez.
Inaasahan ng marami ang paglulunsad ng ikalawang batch ng kurso sa Italian language na sa kasalukuyan ay itinuturing ng pamahalaang Italyano na pangunahing tanda ng integrasyon sa bansang Italya.