MILAN – Isang Pilipino ang maaring mahatulan ng 16 na taon at 8 buwang pagkakabilanggo dahil sa pagpatay sa kanyang Italyanang kapitbahay. Hiniling ng taga-usig na si Marcello Tatangelo ang nasabing hatol para sa 38-taong gulang na salarin matapos mapatunayang pinatay nito ang biktimang si Lucia Scarpa.
Isang dating mananahi, ang 70- taong gulang na si Scarpa ay natagpuang patay at puno ng saksak sa katawan sa loob kanyang bahay sa Via Romolo Gessi, Milan noong ika 3 ng Oktubre 2011.
Sinasabing ang dahilan ng krimen ay ang paniningil ng biktima sa pagkakautang ng salarin na nagkakahalaga ng 20 Euros.
Inamin ng salarin na siya ay nasa impluwensya ng droga habang isinasagawa ang pagpatay.
Inaasahang bababa ang desisyon ng korte ng Milano sa ilalim ni Hukom Maria Grazia Domanico sa ika 25 ng Hunyo, 2012. (ni: Michelle Bucu-Torres)