Latina, Hunyo 7, 2012 – Ipinakilala at ipinatikim ang iba’t ibang klase ng wine sa ginanap na Sky Wine Exposition sa Latina, Italy nitong nakaraang buwan ng Mayo. Naging panauhing pandangal ang Ambassador ng Pilipinas sa Italya na si Virgilio A. Reyes Jr.
Ang programa ay pinangunahan ng Filipino Italian Association at Municipal Administration ng Latina upang pagtibayin ang integrasyon ng mga migranteng Filipino sa Italya.
Tinawag na Sky Wine ang nasabing okasyon dahil ang ginanap ito sa pinakamataas na gusali sa bayan ng Latina, sa Torre Pontina na may 128 meters ang taas. Umabot naman sa tatlumpung klase ng alak ang ipinakilala at ipinatikim na nagmula sa sariling produksiyon ng bayan ng Velletri at Gabbiano.
Ang Ambassador ng Pilipinas ang nagbukas sa programa sa pamamagitan ng ribbon cutting. Humanga ito sa natikmang alak at dahil dito at nagnanais siyang isulong sa Pilipinas ang import-export ng wine production mula sa Italya.
“Ang Embahada ng Pilipinas ay nagsusumikap mapalago ang Trade and Investment Relation ng ating bansa. Ito rin ang dahilan ng ating pagdalo sa okasyong ito at ang makilala ang mga wine producers na maaaring makipag palitan for example sa ating mga liquor producers sa Pilipinas”, ayon sa Ambasador ng Pilipinas.
Tunay na maipagmamalaki ng mga taga-Latina ang kanilang alak kung kayat hinimok nila si Reyes ng negosasyon sa pagitan ng dalawang bansa upang makarating ang kanilang produkto sa Pilipinas.
“May posibilidad na ang aming produkto ay maaaring i-export sa Pilipinas, ngayon ay aming ipinakikilala sa ambasador ang alak na mula sa aming sariling bayan”, ayon kay Assessore Gianluca Cocco, Turismo Esportazione dei prodotti.
Pinaniniwalaan naman ni Alberto Lodi, isa sa mga Assessor ng Konseho ng Latina na ang pagdiriwang ay magiging simula ng isang matibay na integrasyon ng bansang Pilipinas at Italya.
“Mahalaga ang Filipino community sa pag-unlad ng aming bayan kung kaya’t makahulugan sa amin ang ginawang pagbisita ni Ambassador Reyes sa isang mahalagang pagdiriwang na ito, na lalong magpapalalim sa sinimulang integrasyon ng Filipino community”, pagwawakas ni Assessor Roberto Lodi, Presidente Commissione Consiliare Viabilità del Comune di Latina.
Magiging bahagi rinng gaganaping D2D European Conference sa Setyembre sa Roma ang ilang produkto ng Sky Wine upang maipakilala rin sa mga darating na delegates mula sa iba’t ibang bansa. (ni Diego Evangelista, larawan ni Corazon Latina)