Si Chef Margarita Forés buhat sa Pilipinas para sa lutong Pinoy. Samantala, floral expositions naman buhat kay Efren Dordas at shoe sculptures buhat kay Richard Gabriel.
Rome, Hunyo 18, 2012 – “Maraming mga bagay ang naglalapit sa mga mamamayan ng dalawang bansa: ang kultura, ang relihiyon, ang halaga ng pagmamahalan ng pamilya, ang rispeto sa mga nakatatanda, ang paggalang, ang pagmamahal sa musika, pagkain at kagandahan”. Ito ang mga pangungusap ni H.E. Ambassador Virgilio Reyes Jr, sa pagdiriwang ng ika-65 taong anibersaryo ng Diplomatic Relations ng bansang Italya at Pilipinas at sa paggunita sa ika-114 taong anibersayo ng Kalayaan ng Pilipinas na ginanap noong nakaraang June 12, 2012 sa Westin Excelsior Hotel.
Kasabay ng mga pagdiriwang na ito, ay ginunita ang pinagmulan ng kulturang Pilipino.
“Kung ikukumpara sa pagkain, ang kulturang Pinoy ay tila isang halu-halo, bukod sa pagiging malinamnam nito ay punung-puno ng kulay”, mga pambungad na salita ni Chef Margarita ‘Gaita’ Forés, isang chef-restaurateur- entrepreneur na nagbuhat pa sa Pilipinas upang ipakilala ang ‘Kulinarya – Cooking book’, at kasama si Chef James Foglieni, ay ipinakilala ito sa bansang Italya. Ang Kulinarya ay koleksyon ng mga masasarap, pangkaraniwan ngunit pambihirang menu ng mga pagkaing Pinoy. Makikita dito, kung paanong ang lutong Pinoy ay nagtataglay ng mga kulturang naging bahagi ng ating lahi tulad ng mechado, paksiw, lechon at pansit.
Sa lahat ng ito ay Kinilaw ang napiling ipakilala ni Chef Margarita sa Italya. “Ang pagiging sariwa ng mga sangkap nito at paglalagay ng suka ang sekreto ng ulam na ito para sa isang bansang mainit tulad ng Pilipinas”, ayon pa dito. Ipinakilala rin ng ating chef ang mga kilalang gulay ng ating bansa, tulad ng ampalaya, kalabasa, sitaw na sangkap naman ng kilalang Pinakbet. Bukod dito, ay dalawang uri ng mangga ang ipinakilala nito sa Italya, ang manggang hilaw, kasama ang partner nitong bagoong (na tunay namang pinagkaguluhan sa ginanap na press con) . Samantalang hinangaan naman ang pagiging pino at matamis ng ating manggang hinog na hiniwa ng pakudrado.
Bukod sa kahali-halinang Kinilaw ni Chef, ay kapansin pansin ang pagiging dalubhasa nito sa pagsasalita ng wikang italyano. Ito ay dahil naging kanyang tahanan din ang bansang Italya sa kanyang pag-aaral ng cucina italiana matapos itong magtrabaho sa New York at namuhay sa Firenze, Roma at Milan. Taong 1971 ng unang nagtungo ng bansang Italya kasama ang ina at namalagi sa Westin Excelsior Hotel at sa kadahilanang ito, ay mahalaga na sa kanyang pagbabalik sa bansang Italya ay maibahagi ang pagmamahal sa pagluluto ng Filipino food na mayroong Italian touch at Italian food na mayroong Pinoy touch.
Samantala, pagkatapos ng matagumpay na Food festival sa Doney Restaurant Westin Excelsior hotel simula June 13 hanggang June 19, ay makikiisa naman sa Festa Artusiana ng Forlimpopoli. “Isang malaking karangalan ang dalhin at ipakilala ang pagkaing Pinoy sa mahalagang okasyong ito bilang bahagi ng kasunduan namin ng mayor ng Forlimpopoli. Maging ang pagbubukas sa Maynila ng Pellegrino Artusi cooking school at dalhin ang yaman ng kultura ng Emilia Romagna ay bahagi rin ng kasunduan”, masayang pagtatapos ni Chef Margarita.
Bahagi rin ng mahalagang pagdiriwang ang floral exposition ni Efren Dordas at mga shoe sculptures ni Richard Gabriel na parehong naninirahan sa Italya. (larawan ni: Boyet Abucay)