Tayong mga Pinoy
Nagpapaniwala sa mga superheores:
Darna, Panday at CaptainBarbel.
Sila’y nilikha’t bininyagan,
Tagapagligtas natin sa kasamaan
Tingin din sa mga inihalal
Makabagong superheroes ng bayan:
Pangulo, senador o congressman
Mag-aahon sa atin sa hirap
Maghahatid sa kasaganahan.
Bawa’t superhero’y may kalaban
kontrabidang nagpapahirap sa pakay:
Valentina, Lizardo at kampon ng kadiliman.
Laging naririyan, humahadlang
Kaya’t ang wagi’y walang katiyakan
Nguni’t bida’y laging panalo sa hulihan
dahil sa superpowers na taglay:
Puting bato, punyal o barbel man
Gamit ang sanhing banyaga sa lupa
Sinumang kaaway, ginagaping tuluyan.,
Subali’t mga pinuno’y ‘di superheroes
Walang kakaibang kakayahang taglay:
baguhin ang lipunan, ekonomiya at politika.
Sila ri’y tulad nating mamamayan
Napili lang, ‘di likas na maharlika
Kapangyarihan nila, di mula sa kababalaghan
Ito’y galing sa boto ng nagtiwalang bayan.
Sa haharaping batikos, gulo at problema:
Bayan ding nagkakaisa ang magiging-lakas
Agimat na magbibigay ng tiyak na tagumpay.
(Fr. Rex Fortes, CM)