Roma – Agosto 3, 2012 – Ang “Headquarters Association” sa ilalim ng Philippine Democratic GUARDIANS International Incorporated (PDGII), sa pangunguna ni Norberto Fabros ay muling tinanggap sa ikalawang taon mula sa Municipio II, ang renewal ng “Piazza Manila Adoption ” o ang “Affidamento di Piazza Manila”.
Ang nasabing ‘adoption’ ay tinanggap ng asosasyon isang taon na ang nakakalipas sa pakikipagtulungan ni Konsehal Alex Malabrigo. Ito ay nangangahulugan na responsabilidad ng Guardians ang panatilihing malinis ang plasa kabilang ang pag-aalaga sa mga halaman, pagpuputol sa mga humahabang damo gayun din ang pagtatanggal ng mga basura dito sa araw-araw. Responsabilidad rin ng grupo na panatilihin ang ‘peace and order’sa nasabing lugar at ang i-report ang anumang bagay na maaaring magdulot ng gulo, away at anumang di pagkakasundo lalo sa mga araw ng day-offs ng mga Pinoy tulad ng Thursday at Sunday. Kabilang din dito ang pagdadaos ng malilit na cultural activities na magsusulong sa integrasyon ng mga mamamayang Pilipino sa sosyedad.
"Ang adaption ng Piazza Manila ay isang tagumpay buhat sa sinimulang adhikain ng grupo, ang Operation Linis o OPLIN”, ayon kay MF Scorpion.
Taong 2000 ng bolontaryong nagsagawa ng paglilinis ang Guardians sa Piazza Mancini. Sumunod naman ang Piazzale Arco Felice sa San Giovanne Laterano, at pagkalipas ng ilang taon, simula 2004 ay sa Piazza Manila na ginagawa ang paglilinis kung saan matatagpuan ang rebulto (na noon ay busto pa lamang) ng ating Pambansang Bayani na si Jose Rizal.
Bukod sa paglilinis ng nasabing plasa, ay taunang pinangungunahan ng grupo ang pagbibigay pugay sa kamatayan ng ating Pambansang Bayani o ng Rizal Day. Halos anim na taon ng ginaganap ang Flag Raising Ceremony at Wreath Laying bilang pagpapahalaga sa pagiging dakila ni Jose Rizal at sa kuturang kinagisnan maging nasa ibayong dagat man.
“Lubos ang aming pasasalamat sa mga sumoporta sa aming mga adhikain tulad ng dating Ambassador na si Philippe Lhuillier sa pagdo-donate ng mga materyales sa paglilinis. Sa bumubuo ng dalawang Embahada ng Pilipinas, ang mga konsehal na si Romulo Salvador ng Roma Capitale at Alex Malabrigo ng Municipio II at maging ang Servizio Giardini sa kanilang pagtitiwala sa kakayahan at katapatan ng grupo”, pagtatapos pa ni Pangulong Fabros kasabay ang pangangakong lalong pagtitibayin ang nasimulang adhikain.