Ang tatalakayin sa pagkakataong ito ay maaaring magsilbing impormasyon para sa mga badante na nag-aalaga ng mga pasyente o amo na may sakit na ganito upang mapangalagahan ng wasto at malapatan ng tamang paraan.
Hango sa www.christopherreeves.org, ang balat ang pinakamalaking sistema ng organo sa katawan. Ito ay matibay at malambot at binibigyan ng proteksiyon ang mga tisyu sa ilalim nito laban sa hangin, tubig, dayuhang sangkap at mikrobyo. Ito ay sensitibo sa pinsala at may pambihirang kakayahang maghilom. Bagama’t ito ay matibay, hindi kakayanin ng balat ang matagal at matinding pagkakadiin at priksyon.
Habang patuloy ang pagkakadiin sa balat, napipiga ang mga maliliit na daanan ng dugo na siyang nagdadala sa balat ng sustansiya at oksiheno. Kapag ang balat ay naubusan ng dugo nang matagal, ang tisyu ay namamatay at may nabubuong pagsusugat ng balat o ang tinatawag na sugat sa pagkakadiin ng balat (pressure sores) halimbawa sa higaan.
Ang pressure sores ay isa sa mga pangunahing komplikasyon na matagal na panahong pinagdaraanan ng mga taong may paralisi. Ito ay nagsisimula sa parte ng katawan kung saan ang buto ay malapit sa ibabaw ng balat tulad ng balakang. Ang mabubutong bahagi ay agad tumatama sa balat mula sa loob. At kung tumatama din ang labas ng balat sa matitigas na bagay, ang balat ay nawawalan ng sirkulasyon. Dahilan sa ang bilis ng sirkulasyon ay nababawasan kung ang tao ay paralisado, mas kaunting oksiheno ang napupunta sa balat na nagpapababa ng tibay ng balat. Ang katawan ay sinusubukang labanan ito sa pamammagitan ng pagpapadala ng mas maraming dugo sa mga apektadong bahagi ng balat. Ito naman ay maaaring magresulta sa pamamaga, na nagbibigay ng mas matinding pwersa sa mga daluyan ng dugo at lalo itong nagpapalala sa kondisyon ng balat.
Ang paggamot sa sugat sa balat ay maaaring mangailangan ng ilang linggong pagtigil sa ospital o pamamahinga upang ito ay gumaling. Ang mga malubhang kaso ng pressure sores ay maaaring mangailangan naman ng operasyon o ang paglipat at pagpapatubo ng tisyu ng balat sa apektadong parte ng katawan.
Mga sanhi ng pressure sores/ decubitus ulcer:
Ang paralysis na may kaugnayan sa trauma/ sugat o karamdaman ay nakakaapekto sa biokemistri ng mismong balat. Halimbawa: maraming nawawalang protina tulad ng kolahen (na siyang nagbibigay sa balat ng tibay sa pagkabanat) na nagreresulta sa pagiging marupok ang balat at pagbawas sa pagka-elastiko nito. Ang proseso ng pagtanda ay nakakadagdag din sa paghina ng balat. Mas laganap sa matatanda ang pagkaroon ng pressure sores.
Ang hindi paggamit sa mga masel sa paligid ng mga mabubutong bahagi ng katawan (balakang, sakong, siko, buto sa babang dulo ng gulugod, at ang upuang parte ng puwit) ay maaaring magresulta sa pagkawala ng masel, na nakadaragdag sa risko ng panghihina ng balat.
Ang labis na pagkabasà o hindi matuyuan sa mga taong sobrang magpawis o may problema sa pagkontrol sa pag-ihi ay isa ring dahilan ng pagkasira ng balat.
Ang katawang kulang sa nutrisyon ay limitado ang abilidad na maiwasan ang mga komplikasyon tulad ng sugat sanhi ng pagkadiin. Kailangan ng katawan ng maraming uri ng sustansiya tulad ng protina at bitamina A at E, upang mapanatiling malusog ang balat, maghilom ang anumang pinsala dito, at labanan ang kahit anong impeksiyon.
Sa mga taong sobra sa bigat, ang labis nilang timbang ay nakakapwersa sa mga mahihinang bahagi ng balat sa kanilang katawan. Ang kakulangan naman ng kalamnan at laman sa katawan – na maaaring isiping magsisilbing padding – ay nagreresulta sa balat na mas mahina laban sa mga epekto ng sobrang pwersa dito.
Ang iba pang mga bagay na nagpapataas ng tsansa na magkaroon ng pressure sores ay ang mahinang pangangatawan, panunuyo ng katawan, maruming pangangatawan, paninigarilyo, anemia, kronikong mga sakit tulad ng diyabetis, sakit sa ugat, spaticity, paggamit ng mababang uri ng aparato, adiksyon sa droga at depresyon. Ipinapahiwatig ng mga babasahing pangmedikal na ang mga taong may depresyon ay maaaring hindi bigyang halaga ang mga bagay ukol sa pangangalaga sa sarili kasama na ang pag-iingat sa kalusugan ng balat.
Pangangalaga at paggamot sa mga uri ng sakit o sugat ng pressure sores base sa lalim, laki at kalalà ng pinsala: i) pinakamagaang sintomas o pamumula sa isang bahagi ng balat. Maaaaring magkaroon ng pakiramdam na paninigas o init mula sa namumulang bahagi ng balat. Linisin ang naapektuhang bahagi gamit ang maligamgam na tubig at panatilihin itong tuyo. Iwasang matuyuan ng tubig ang katawan, magpahinga at magkaroon ng balance at masustansiyang diyeta. ii) naging paltos o langib at/o maaaring may sugat na sa ibabaw ng balat na posibleng mayroon nang pag-agos. Ito ay nangangahulugan na ang tisyu sa ilalim ay nagsimula nang mamatay. Kung hindi malapatan ng karampatang pangangalaga ay maaaring lumala sa puntong ang impeksiyon ay umabot sa buto at magdala ng mga seryosong problema sa kalusugan. Panatiliing malinis at tuyo ang sugat at suriin nang malimit ang balat. Karaniwang ginagamit sa paglilinis ang solusyong maalat (Normal Saline) at pagtakip dito ng uri ng benda na itinakda ng manggagamot. iii) mayroon nang malalim na sugat na namuo sa patay na tisyu na maaaring umabot na o maaaring mas malalim pa sa bahagi ng balat o ikatlong patong ng tisyu ng balat at possible ring umabot na sa buto. Ito’y nangangailangan ng espesyal na paraan ng pangangalaga sa sugat. Malimit na kasama dito ang paglilinis sa sugat (debridement) o operasyon upang alisin ang mga patay na tisyu at mga bakterya sa sugat gamit ang gasa, mga pamahid na gamot, mga antibayotiko, at mas tugmang higaan o upuan upang makaiwas sa paglapat ng puwersa sa balat. iv) ang pinsala ay umabot na sa kalamnan at posibleng bumaba na sa buto. Madalas ay may lalabas nang likido o nana. Maaaring magkaroon ng lagnat, maramdamang init sa paligid ng sugat. Ito’y nasa panganib na magkaroon ng impeksiyon sa lahat ng tisyu na nakapaligid. Posibleng magkaroon ng sepsis (isang uri ng pagkalason sa dugo). Kung pababayaan ang sugat, maaari itong nakamamatay. Kailangang maipasok sa ospital ang pasyente at sumailalim sa operasyon o pagpapatubo at paglilipat ng balat (kadalasang galing sa bintiang balat na itatahi sa bahagi na mayroong sugat). Ngayon ay marami nang mga bagong gamot na nagpapabilis ng paghilom ng sugat gaya ng bagong pamahid na gel na nakababad sa tubig at mga bagong pambenda. Dagdag pa rito, mayroon nang mga ibang uri ng makabagong paraan ng paggamot na bagama’t hindi pa malawakang ginagamit ay ang Vacuum therapy. Ang paggamit ng bakyum na paglalapat sa sugat ng espuma ay lumilikha ng nagatibong puwersa sa paligid ng sugat na nagpapasigla ng daloy na dugo at nagpapagaling ng sugat.
Paraan ng pag-iwas:
Ang balat ay nananatiling malusog sa tamang pagkain, tamang kalinisan at regular na pag-iwas sa matinding puwersa sa balat.
Panatilihing malinis at tuyo ang balat. Gumamit ng maligamgam na tubig at banayad na sabon sa paglinis ng balat.
Proteksyunan ang balat laban sa pagkakadiin sa pamamagitan ng pag-iiba-iba ng posisyon kahit kada dalawang oras.
Suriin ang balat kahit isang beses kada araw at bigyan ng higit na atensyon ang mga sensitibong bahagi nito. Gumamit ng mga padding at ibang gamit na nagbibigay ng proteksyon tulad ng mga unan na nakakatulong bawasan ang puwersa sa balat.
Laging inspeksyunin ang mga pansuportang higaan o upuan at aparato kung ito ay nasa mabuting kondisyon. Palagiang palitan ang mga sapin sa kama at ang kasuotan.
Panatilihin ang kakayahan sa pagkontrol ng pag-ihi at pagdumi at bawasan ang pamamasà hangga’t maari.
Kumain ng balanseng diyeta na mayaman sa protina, bitamina at mineral.
Uminom ng maraming tubig. Ang gumagaling na sugat ay maaaring gumagamit ng mahigit ika-apat na bahagi ng tubig sa katawan kada araw. Ang pag-inom ng 8-12 baso ng tubig araw-araw ay hindi magiging kalabisan. Paalala: ang serbesa at alak o alcohol ay nagdudulot ng pagkaubos ng tubig o panunuyo ng katawan.
Huwag manigarilyo. Pinapasikip nito ang mga daluyan ng dugo na naglilimita sa pag-abot ng nutrisyon sa balat.
Panatilihin ang tamang timbang. Ang araw-araw na pag-eehersisyo ay nakakatulong upang maragdagan ng lakas at sigla ang balat at kabuuang kalusugan. Maging aktibo at mamuhay nang masaya. (ni: Loralaine R. – FNA-Rome)
Source: http://www.christopherreeve.org