Ilulunsad ang cookbook na may titolong "Mga recipe ni Tiya" o "Le ricette della zia" sa Marso 14, sa Palazzo Medici Riccardi, Luca Giordano hall.
Firenze, Marso 12, 2013 – Sa okasyon ng ika-65 anibersaryo ng diplomatikong relasyon sa pagitan ng Italya at Pilipinas, ay ilulunsad sa Huwebes, Marso 14 ganap na ika-5:00 sa Florence ang "Mga recipe ni Tiya", isang cookbook na isinulat sa tatlong wika – ang Italyano, Ingles at Pilipino ni Mrs Sandra Dodi Lippi sa tulong ng kanyang asawa Giancarlo Lippi at ng kanyang pamangking babae na si Ilaria Martinelli.
Karamihan ay pawang mga Tuscan Recipe, na isinulat sa paraang simple at maaaring maunawaan ng nakakarami at isinalin sa wikang Ingles at Tagalog upang madaling masundan ng mga Pilipino na nagta-trabaho sa loob ng tahanan ng mga pamilyang italyano, na itinuturing na ganap na bahagi ng pamilya na binubuklod ng rispeto, pagmamahal at pagiging magkaibigan.
Inaasahang magiging malaking tulong ang nasabing libro upang lalong mapagtibay ang samahan at integrasyon sa pagitan ng mga mangaggawa at mga pamilya.
Dadalo sa nasabing okasyon ang Ambassador ng Pilipinas sa Italya, Virgilio A. Reyes Jr at ang Honorary Consul ng Pilipinas sa Florence na si Dott. Fabio Fanfani na kasama si Dott Vladimir Barberio, ang presidente ng Associazione Nazionale Italo-Filippina Giustizia e Diritto.
Ang makukuhang pondo mula sa pagbebenta ng mga aklat ay gagawing donasyon para sa mga kabataang nangangailangan sa Pilipinas.