Isang Pilipina ang nagpanggap bilang dentista ang natuklasan ng mga awtoridad matapos i-report ng mga residente ang patuloy na pagdating ng iba't ibang kliyente sa bahay nito na ginawang tila klinika.
Roma – Marso 13, 2013 – Isang dentista 'kuno' ngunit walang anumang dokumentasyon ang maaaring magpatunay ng kanyang propesyon.
Ang nagpapanggap na dentista ay isang Pilipina, 42 anyos, residente sa Rocca Priora, at naninirahan sa isang apartment sa Via Crevenna, Casal del Marmo. Isang tila tunay na dental clinic at kumpleto sa lahat ng mga kagamitan nito, mga gamot at maging risetang ibinibigay sa kanyang mga pasyente na karamihan ay pawang mga PIlipino.
Isang raid ang ginawa ng awtoridad matapos ang report na ginawa ng kanyang mga kapitbahay, na nabahala sa pagdating ng mga dayuhan sa kanilang lugar. Sa raid, ay natagpuan ang nakapilang 4 na pasyenteng mga Pilipino habang ang ika-lima naman ay kasalukuyang ginagamot ng kunwaring dentista.
Kumpiskado ang buong klinika maging ang mga kagamitan sa loob nito.
Ayon sa mga report ay sinubukan diumanong magpaliwanag ng Pilipina at ipinakita pa ang kopya ng fake na diploma nito.
Sa katunayan, ang Pinay ay hindi kabilang sa listahan ng mga duktor at mga dentista sa buong Italya. Pangunahing dahilan ng 'biglaang pagdalaw' ng awtoridad at pag-aresto sa Pilipina.