Ako ay isang worker at 66 taong gulang. Nagtrabaho ng 8 taon sa Spain at 12 taon sa Italya. Nais ko nang mag-retiro. Anu-ano ang mga kinakailangan?
Marso 15, 2013 – Ang pensiyon ay isang pinansyal na benepisyo na ibinigay, sa mga nag-aaplay nito, sa pagreretiro ng mga worker at self-employed. Simula noong Jan 1, 2013, sa Italya, ang mga requirements para sa mga worker o ang mga tinatawag na ‘dipendenti’ ay 65 at 3 buwan ang edad at 20 taong kontribusyon. Samakatwid, ang lahat, babae man o lalaki, na may edad na 65 at 3 buwan anyos at mayroong 20 taong kontribusyon ay maaaring magsumite ng aplikasyon para sa pagreretiro matapos ang pagtatapos ng trabaho.
Para naman sa mga self-employed, ay hindi kinakailangan ang pagtatapos o pagsasara ng negosyo at hinihingi ang 63 at 9 na buwan bilang edad para sa mga babae at 66 at 3 buwan naman ang edad para sa mga lalaki. Ipinapaalala na ang requirements sa edad, para sa mga workers, ay pinapalitan batay sa mga pagbabago sa average ng haba ng pamumuhay ng tao.
Ang aplikasyon ay maaaring gawin sa 3 paraan:
– Online sa pamamagitan ng website www.inps.it – sa mga mayroong PINcode;
– Pakikipag-ugnayan sa toll free number 803-164 (mula sa landline) o 06/164164
– Sa mga tanggapan tulad ng patronati na mayroong pahintulot na tumulong para sa mga aplikasyon
Alinsunod sa mga probisyon ng EU, ang isang aplikante na nagtrabaho sa mga bansang kasapi ng EU ay maaaring makatanggap ng pensyon, sa pagsapit sa itinakdang edad ng pagreretiro. Ito ay nangangahulugan na ang kontribusyon na ibinayad ng mga naging employer sa bawat bansa ng EU kung saan nagtrabaho ang worker ay hindi mababalewala. Sa katunayan, ayon sa prinsipyong ito, ang mga hindi nakakumpleto ng mga itinakdang pagbabayad ng kontribusyon ay maaaring hilinging pagsamahin ang mga kontribusyon buhat sa mga bansa kung saan nagtrabaho ang worker. Sa puntong ito, ang pensyon sa pagreretiro ay kinakalkula base sa haba ng panahon ng kontribusyon sa bawat bansa kung saan nagtrabaho. Ito ay nangangahulugan na ang halaga sa bawat bansa kung saan matatanggap ang pensyon ay base sa halaga ng kontribusyong ibinayad sa bansang ito.
Halimbawa, batay sa katanungan, ang 8 taon ng kontribusyon sa Espanya ay idadagdag sa 12 taon sa Italya, na may kabuuan ng 20 taon. Samakatwid, ang kalkulasyon sa halaga ng pensyon na kikilalanin ng bansang Spain sa aplikante ay para sa walong taon o 8/20 habang 12 naman o 12/20 para sa bansang Italya.
Ang aplikasyon ay gagawin sa bansa kung saan nakatira o residente ang aplikante. Ngunit kung ang aplikante ay nakatira sa bansa kung saan hindi nag-trabaho ang worker, ay gagawin ang aplikasyon sa huling bansa kung saan huling nagtrabaho ang worker. Ang pensyon sa pagreretiro naman ay ibibigay kung saan naninirahan ang aplikante.
Paalala, dahil ang edad ng pagreretiro ay nag-iiba sa bawat bansa, at ang sistema ng social security ay nag-iiba rin sa bawat bansa. Ito ay nangangahulugan na habang nasa bansang Italya ang requirement sa edad ay 65 at 3 buwan para sa mga ‘dipendenti’ samantala sa ibang bansa ay maaaring iba, ito ay maaaring magkaroon ng epekto sa halaga ng pensyon at ipinapayo ang makipag-ugnayan sa tanggapan ng Inps para sa mas detalyadong impormasyon.