Vatican – Marso 19, 2013 – Ngayong umaga, kasabay ng pagdiriwang ng Kapistahan ni San Jose ay opisyal na sinimulan ni Pope Francis ang kaniyang Petrine Ministry bilang lider ng 1.2 bilyong Katoliko sa buong mundo.
Ginanap ang inaugural mass ni Pope Francis, ang ika-266 Santo Papa ng Simbahang Katolika sa St. Peter's Square na dinaluhan ng halos isang milyong mananampalataya.
Dinaluhan ang inauguration mass ng mga lider ng iba't ibang bansa kabilang si United States Vice President Joe Biden, Philippine President Jejomar Binay, Argentinian President Cristina Fernandez de Kirchner at maraming iba pa. Marami ring dumalo mula sa ibang relihiyon gaya ng Islam, Judaism at Eastern Orthodox Church.
Unang isinuot ni Cardinal Jean Louis Tauran ang pallium sa Santo Padre bilang simbolo sa pagiging mabuting pastol ni Hesus.
Gawa ito sa "wool" o balat ng tupa at inilagay nang paikot sa balikat ni Pope Francis. Nagtataglay ito ng anim na itim na krus at tatlong pako bilang simboli sa mga pakong bumaon sa dalawang kamay at mga paa ni Hesus noong ipako sa krus.
Isinuot naman ni Cardinal Angelo Sodano ang fisherman's ring na nagtataglay ng imahe ni San Pedro na may hawak na dalawang susi. Ito ay naglalarawan sa mga ipinangako ni Hese na nasasaad sa Banal na Kasulatan na ipagkakaloob kay Pedro ang susi ng langit at lupa (Mateo, 16:19).
Pagkatapos ay ipinagkaloob kay Pope Francis ang isang bibliya bilang simbolo sa tungkulin nitong ipangalap ang Salita ng Diyos.
'Protektahan natin ang isa't isa'
Ang homiliya ni Pope Francis ay nagsasaad sa magagandang katangian ni San Jose bilang protektor, hindi lamang nina Hesus at Maria noong unang panahon, kundi maging ng Simbahan sa kasalukuyang panahon.
Ayon sa Santo Papa, ang kababaang loob ni San Jose ang tunay na ehemplo ng isang mananampalataya.
Idinagdag pa ni Pope Francis na dapat pangalagaan ang bawat nilikha ng Diyos, partikular ang mahihirap, may karamdaman, mga nagugutom at maging mga dayuhan.
"Please, I would like to ask all those who have positions of responsibility in economic, political and social life, and all men and women of goodwill: let us be protectors of creation, protectors of God's plan inscribed in nature, protectors of one another and of the environment," ayon pa sa Santo Papa.
Samantala, binigyang-diin ni Pope Francis kapangyarihang magsilbi bilang tanging kapangyarihang ipinagkakaloob sa Papa.
Muli, nakiusap si Pope Francis na ipanalangin siya sa kanyang pagharap sa napakalaki at napabigat na responsibilidad bilang kinatawan ni Kristo sa daigdig.
Matatandaang hiniling din ng Papa noong nakaraang Miyerkules ang siya’y ipanalangin ng libu-libong mananampalataya sa Vatican matapos pangalanan ang bagong Santo Padre.
“Huwag kayong matakot” – ang mensahe sa telepono ni Pope Francis sa kanyang mga kababayan
Ang Papa bago pa man simulan ang inauguration mass sa Vatican ay ninais na magbigay ng mahalagang mensahe sa kanyang mga kababayan. Sa isang live coverage sa Piazza de Mayo, sa harapan mismo ng Buenos Aires, bilang sagot sa katanungan ng “La Nacion”. Ang Papa ay nagpasalamant sa mga Argentinians sa kanilang pagkakaisa sa panalangin.
“Magdasal kayo” – dagdag pa ng Santo Padre – ito ay napakaganda. Tumingin kayo sa langit at Siya ay nakatingin sa ating mga puso. Alam natin na tayo ay mayroong isang mabuting Ama. Nais kong humiling sa inyo ng isang pabor – sabay tayong maglakbay, maging maingat at protektahan ang isa’t isa”. Pagkatapos ay inanyayahan ang lahat na itabi ang galit at hinanakit at alagaan ang pamilya, ang kalikasan, ang mga bata at mga matatanda”.