Manila, Mayo 16, 2013 – Ang unang anim na mga senador na nanalo sa 2013 midterm elections ay iprinoklama na ng Commission on Elections (Comelec) na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC).
Ang unang anim ay sina Juan Edgardo "Sonny" Angara (Laban ng Demokratikong Pilipino), Nancy Binay (United Nationalist Alliance), Alan Peter Cayetano (Nacionalista Party), Francis 'Chiz" Escudero (Independent), Loren Legarda (Nationalist People's Alliance), at Grace Poe (Independent).
Ang naging proklamasyon ay ayon sa alphabetical order dahil hindi pa pinal ang ranking ng mga nanalong senador at magpapatuloy pa ang canvassing ng mga boto, ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes.
Umaabot pa lamang sa 72 certificate of canvass ang napoproseso ng Comelec sa kabuuang 304.
Agad naman nilang ipoproklama ang nalalabing anim na nanalong senador sa mga susunod na araw, ayon pa kay Brillantes.