in

Butch Niccolo Lloren, Pilipinong kandidato sa Municipio IX

Nais kong maging 'tinig' din ng aking mga kababayang Pilipino at kanilang maramdaman ang pagiging bahagi ng Munisipyong ito”.

Roma – Mayo 20, 2013 – “Mahal ko ang aking lugar at aking pangarap na maging isang administrasyong naglilingkod para sa lahat “, ito ang pangunahing layunin ni Butch Niccolo Lloren, 22 anyos, ipinanganak sa Italya at anak nina Trifon Llauren, mula Maynila at Evelyn Magnaye-Llauren, tubong Batangas.

Nag-iisang kandidatong may dugong Pilipino sa lokal na halalan sa Roma sa darating na Mayo 26 & 27 sa Munisipyo IX bilang konsehal. Nagtapos sa Liceo Scientifico E. Majorana at nagpatuloy bilang Web Designer sa Istituto  CEFI (Centri di formazione informatica). Dahil na rin sa kanyang ‘passion’ ay hindi huminto si Niccolo. Sa ngayon ay kasalukuyang kumukuha ng kursong Ingegneria delle Tecnologie di Internet (dating Telecomunicazione) sa Università di Vergata.

Kabilang sa ikalawang henerasyon, o mas kilala bilang ‘nuovi cittadini’, si Niccolo ay buong tapang na hinaharap ang hamon at pangangailangan ng makabagong panahon; ang maging bahagi ng bansang sinilangan higit sa pagiging mamamayan bagkus ay maging bahagi ng Konseho ng IXth Municipality of Rome. Dating Municipio XII na sumasakop sa Eur, Laurentina, Mostacciano, Torrino, Mezzocammino, Cecchingnola, Spinaceto, Decima, Castel Romano, Vallerano-Castel di Leva at Tor di Valle.

Pagbabago, Inobasyon, Partesipasyon at Tranparency, ay ilan lamang sa mga programa ni Niccolo, kasama ang mga kandidatong sina Domenico Durastante at Andrea Santoro, ng Partito Democratico (PD). Mga pagbabagong sumasaklaw sa direktang pakikitungo, pakikisalamuha at pakikinig sa hinaing ng bawat mamamayan ng lugar na kinasasakupan upang higit na maunawaan ang kanilang pangangailangan.

Kabilang din ang tema ukol sa edukasyon at ang pagkakaroon ng angkop na paaralan para sa mga mag-aaral, oryentasyon sa mga kabataang mga nahihirapang makahanap ng trabaho o ang tulong upang makapag-umpisa ng maliit na negosyo; gawing may respeto, mas malinis, mapayapa at iwasan ang walang pakundangang pagtatapon ng basura sa mga public places at properties; at ang maiwasan ang walang kabuluhang paggamit ng pondong lokal at gamitin ito sa mga makabuluhang proyekto ukol sa mga mamamayan.  

“Ito ang mga aksyong kinakailangan ng aming lugar. Bukod dito –  pagpapatuloy pa ng kandidato, nais kong maging kinatawan ng mga kabataang imigrante, ipinanganak o lumaki sa Italya at naghahangad ng magandang kinabukasan sa bansang ito”.

Higit sa lahat, ang aking mga kababayang Pilipino, na kanilang maging ‘tinig’ sa lugar kung saan sila ay namumuhay o nagtatrabaho, at ang kanilang maramdaman ang pagiging bahagi ng Munisipyong ito. Para sa aking kapwa kabataan, ang magbigay lakas loob na rin sa panahong sila ay inaasahang magiging susi sa kinabukasan. Nais kong lahat kami ay sama-samang maging bahagi ng kinabukasang ito”, pagtatapos ni Niccolo. (ulat ni PG)

 

 

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

European fund for Integration: 37 million euros nakalaan sa Italya

‘Salon di Rhodora’ – kaganapan ng mga pangarap