Manila – Hunyo 20, 2013 – Makalipas ang napabalitang alegasyon ng prostitusyon sa Gitnang Silangang ay pinapauwi na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga pinuno ng 12 Embahada ng Pilipinas at isang consul general.
Unang napabalita na ang mga ambassador lamang sa bansang Jordan at Kuwait ang pinauuwi kasama ang Charge d' Affaires ng Syria ngunit ipinag-utos ngayong Huwebes ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang mabilisang pagbalik sa Pilipinas ng lahat ng pinuno ng embahada ng Pilipinas sa Middle East dahil na rin sa isinasagawang imbestigasyon ng kagawaran.
Ito ay matapos ibinunyag ni Akbayan Representative Walden Bello ang nagaganap na "sex-for-flight" kung saan sangkot ang ilang opisyal ng embahada ng Pilipinas sa Middle East.
Nakikipagtalik diumano ang ilang "distressed OFWs" sa mga opisyal ng embahada kapalit ng ticket pabalik ng Pilipinas habang ang iba naman ay ibinubugaw sa mga dayuhan o ang tinatawag na
‘sex-for-flight scheme’.
Kailangang diumanong lumahok sa imbestigasyon ang 12 ambassador, ayon kay DFA Spokesperson Raul Hernandez.
Nananawagan ang kagawaran para mahikayat ang mga biktima na lumantad at magsampa ng pormal na reklamo laban sa mga sangkot na opisyal.
Sa isang panayam ay isiniwalat ng isang Pinay OFW ang mga "indecent proposals" sa kanya ng kanyang field officer at isa pang opisyal ng POLO sa Riyadh.
Nabanggit pa ng Pinay worker na ibinugaw din siya sa isang Egyptian ng isa sa dalawang POLO officers na nag-alok sa kanya ng "indecent proposals."
Gayunpaman, nagdadalawang-isip pa rin ang Pinay OFW sa pagsasampa ng reklamo sa pangambang hindi na muling makapagtrabaho sa ibang bansa.
Ang DFA ay nagtayo na rin ng fact-finding unit na tututok sa mga alegasyon ng sex trade.