in

Sec. Alcala ng Department of Agriculture, dumating sa Roma

OFWs, hinikayat mag-invest sa Pilipinas

Roma, Hunyo 21, 2013 – Dumating ang ating kagalang-galang na Kalihim ng Agrikultura, Proceso “Procy” Alcala sa Roma kamakailan para sa kanyang opisyal na pagbista sa Italya.

Kaugnay nito, ginanap ang unang Agribusiness Investment Forum sa Italya sa ERGIFE Palace Hotel na pinamunuan ng Emhahada ng Pilipinas na dinaluhan ng mga Pilipino buhat pa sa iba’t- ibang lugar ng Central Italy.

Hatid ng Kalihim ang layunin ng Kagawaran ng Agrikultura na mapalawig ang potensyal ng agrikultura,  madagdagan ang kita ng mga magsasaka, mabawasan ang kahirapan at higit na umunlad ang ekonomiya ng Pilipinas.

Sa nasabing forum ay inilatag ng Kalihim ang agri-business prospects sa Pilipinas upang hikayating mag-invest sa agriculture at fisheries sa ating bansa ang mga ofws.

Bukod sa paghikayat, ayon pa sa Kalihim, ay binibista ng Kagawaran ang mga Filipino overseas upang turuan at paliwanagan sa mga investment opportunities lalo’t higit ang imulat ang mga ito sa paghahanda sa kanilang muling pagbabalik sa bansa. “Pangarap ko na ang pangingibang bayan ng mga Pilipino ay maging isang ‘option’ na lamang sa hinaharap at hindi natatanging paraan upang makaahon sa kahirapan”, bigay-diin ng Kalihim sa ginanap na press conference.

Ukol sa investment opportunities sa pananim (crops), alagaing hayop (livestock), at palaisdaan (fisheries) ang naging tema ng nasabing forum at bawat tema ay pinamunuan ng mga technical experts mula sa Department of Agriculture.

Kasama ni Alcala sa kanyang delegasyon si Assist. Secretary Ophelia Agawin ng Department of Agriculture at  mga eksperto  na  nagbigay na kanilang kaalaman tulad nina Nemelita Sungcaya, hepe ng Agribusiness and Marketing Service (AMAS),  para sa agri-business ventures sa Pilipinas; Manuel Jarmin, executive director ng Livestock Development Council (LDC), para sa livestock;  Asis Perez , director ng Bureau of Forestry and Aquatic Resources (BFAR) para sa fisheries; at  Jennifer Remoquillo, assist. director ng Bureau of Plant Industry, para sa crops.

Hindi lamang nagbigay ng gabay at mga tagubilin kung paano magsimula ng negosyo sa agribusiness sectors gayun din ay sinagot ang mga katanungan at mga alinlangan ng mga dumalo sa forum.

 “Bukod sa pagtulong sa inyong pamilya, ang pag-iinvest sa ating agrikultura at palaisdaan ay malaking tulong din sa pagtaguyod ng rural development sa ating bansa”, dagdag pa ng Kalihim.

“Pangako na aming gagabayan ang inyong mga mahal sa buhay sa Pilipinas sa pagsisimula ng inyong pamumuhunan at aming itutuloy hanggang sa pagmo-monitor ng inyong magiging negosyo”, pagtatapos ng Kalihim.

Ikinatuwa ng mga dumalo, bukod sa mga natutunan, ay ang pamimigay ng mga premyo sa ginawang raffle bilang panimulang kabuhayan ng mga recipients sa Pilipinas tulad ng  kambing, tupa sa livestock ; fingerlings at  motor para sa banka sa fisheries at mga seedlings para sa crops.

Isinara ang nasabing forum sa pamamagitan ng One-on-One Inquiry para sa mas malalim na talakayan.

Bukod sa Roma, ang delegasyon ng Department of Agriculture ay nakatakdang magsagawa sa ng forum Milano at Torino.

Si Proceso “Procy” Alcala ay itinalaga ng Pangulong Aquino noong Hulyo 2010, bilang Kalihim sa Kagawaran ng Agrikultura. Isa sa kanyang mga planong pagpapaunlad ang makamit ang pagiging self-sufficient ng bansa sa bigas upang hindi na kailanganin pang iangkat ang pangunahing pagkain at pinakamahalagang binhi ng bansa.

Kasalukuyan din siyang kasapi ng Board of Director ng pagmamay-ari ng gobyerno na Land Bank of the Philippines, at kasapi rin ng Board of Trustees ng International Rice Research Institute (IRRI).

Ang Kalihim ay isang inhinyerong sibil at kasalukuyang kasapi sa kabinete ni Pangulong Benigno Aquino III. (ulat nina Pia Gonzalez at Raquel Romero Garcia at larawan ni Corazon Rivera)

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Pusher, itinago ang shabu sa sapatos

Italian citizen pagsapit ng 18 anyos, binawasan ang mga hadlang at isang liham buhat sa Comune