Milan, Setyembre 11, 2013 – Sa Pilipinas pa lamang ay mahilig ng sumali ang tubong Tarlac sa mga contest. Ito ay dahil mas malaki umano ang oportunidad para maging matagumpay sa industriya, ayon kay Zendryll Asuncion Lagrana.
Noong una, mas piniling lumahok sa mga dance contest kung saan nakakakuha rin ng maraming awards. Ngunit naglaon, pinatunayan ng dalagita ang pagiging isang tunay na mang-aawit.
Sampung taong gulang ng pinetisyon ng kanyang mga magulang si Zendryll upang ipagpatuloy ang pag-aaral sa Milano kapiling nila.
“Maaring sa Lolo’t Lola ko namana ang talento, kasi mga musician sila at ang papa ko mahilig din pong kumanta. Malaking biyaya din ni Papa Lord, kaya nahiligan kong kumanta” masayang kwento ng young singer. Samantala ang mga pinsan naman ay tuluyang nahilig sa pagsasayaw.
Patuloy ang pagsubaybay ng mga magulang na sina Zandro at Sally sa paglaki ng kanilang kaisa-isang anak. Rispeto, pag-galang sa kapwa at higit sa lahat ay ang pagkakaroon ng takot sa Diyos.
Maliban sa pag-aaral ay naging abala si Zendryll bilang miyembro ng childrens choir sa Santa Maria del Carmine Church sa Milan at doon nagsimula ang kanyang exposure bilang isang singer.
Sa suporta ng kanyang tiyahing si Cora ay nakilala ni Zendryll si Estelo Pupa, isang Pinoy na nanalo sa tv program na “Re per Una Notte” taong 1996, na gumaya sa boses ng batikang mang-aawit na Italyano, si Al Bano.
Madalas isinasama ang Pinay young singer sa mga events bilang guest singer o di kaya’y surprise guest singer. Ito ang simula para makilala ang dalagita hindi lamang ng mga Pilipino kundi pati na rin ang mga Italyano sa kanyang galing at husay sa pag-awit.
Taong 2007 ay naitatag ang “Explosion” Group of Filipino Talents kung saan ang mga magulang ni Zendryll ay kabilang sa mga founders. Sa pamamagitan ng naturang grupo ay nagsagawa ng mga concerts. Matatandaang kamakailan ay nagkaroon ng concert ang grupo sa Milan at si Zendryll ang opening performer sa kanyang cover song “Proud Mary” ng Creedence Clearwater Revival.
Dito, dagdag pa ni Zendryll, ay nahasa ang kanyang talent, kasama ang lahat ng talents ng nasabing grupo.
“Sumali po ako sa isang audition para sa mga theme songs ng mga tv animation program ng channel 2 noong 2009. Hindi ako nakasali dahil 14 years old pa lang po ako, dapat ay 18 years old pataas” masayang kwento ng dalagita.
Sa okasyon iyon ay nakilala niya ang isa sa producer ng Mediaset na kanyang kasalukuyang producer sa music industry, si Paolo Paltrinieri na nangakong tatawagan siya kung may auditions o contest.
Hindi nagtagal ay ipinasok siya ng kanyang producer sa isang TV program, ang “Io Canto” ng Channel 5. “After po noong performance ni Charice Pempengco sa Io Canto, naalala ako ng aking producer. Tinawag niya ako sa Mediaset at pinakanta ako ng anim na kanta, tapos po ay ibinigay ang aking video sa director na si Roberto Cenci ng programa. Nagustuhan naman po nila, kaya ako kinuha,” aniya.
Taong 2011 ay nagkaroon si Zendryll ng unang single na may titolong “Bring Me Over” hanggang sa pumirma siya ng contract bilang young singer ng Mediaset. Napanood ang kanyang single sa channel 2 at mapapanood pa rin hanggang ngayon sa Youtube.
Taong 2013, “Run To Me” naman ang inilabas na single ng dalaga na maaari ng i-download sa ITunes.
Sa kabila ng mga pangyayaring ito ay tila nag-aalala ang dalaga. “Confused po ako, kasi itong nalalapit na tv project ay maaaring maka-apekto sa aking pag-aaral” ani ni Zendryll.
Maaaring magkaroon ng conflict sa kanyang pag-aaral ang bagong proyekto, kung kaya’t ang payo ng mga guro ay tapusin muna ang proyekto na maaring magtagal ng 6 buwan kung saan dapat manatili sa Rome at pagkatapos ay muling mag-focus sa pag-aaral.
Matapos ay isang rebelasyon ang isiniwalat ng singer sa Ako ay Pilipino.
Isa sa mga paraan ng dalagita ay ang madalas na panonood ng MTV ng mga sikat na singers tulad nina Mariah Carey, Wmitney Huston, Christina Aguilera, Sarah Geronimo at sa kanyang panonood ay ginagaya ang mga istilo ng mga idolo.
Sa pagsasanay ay kailangan ni Zendryll ang mapag-isa. Walang dapat makarinig sa kanya habang kumakanta dahil doon ay inilalabas niya ang kanyang boses, nirerecord ito at pagkatapos sa kanyang pinanonood upang makita kung saan mayroong dapat itama sa kanyang boses at maging sa kanyang acting.
Kahit abala sa pag sasanay at pagpunta sa practice ng kanyang grupo ay hindi nakakalimot magsimba tuwing linggo ang dalaga para pasalamatan ang mga biyaya na bigay sa kanya.
Lubos naman ang pagmamalaki at pagsuporta hindi lamang ng kanyang mga mahal sa buhay kundi pati na rin ang kanyang mga kaibigan at kamaganakan dito sa Italia, USA, sa Alaska at higit sa lahat sa Pilipinas.
Pangarap din ng singer na maglakbay sa maraming bansa, ang magkaroon ng sariling sasakyan, at higit sa lahat ang makapag-tapos ng pag-aaral bago ito magkaroon ng sariling pamilya.
“Dapat bigyan ako ng kapatid ni Mama bago ako mag-asawa, pag wala yon, hindi na ako mag-aasawa” patawang sinabi ni Zendryll.
Abangan ang mga ilalathala ng Ako ay Pilipino ukol sa susunod na proyekto ni Zendryll Asuncion Lagrana na lalong magbibigay ng karangalan sa dalagita bilang isang mang-aawit at bilang isang Pilipina. (ni: Chet de Castro Valencia)
Zendryll, isang ganap na bituin!
Zendryll, magbabalik sa Io Canto