Ministro Kyenge sa Lampedusa : "Ang bawat nagbuwis ng buhay ay isang kawalan, ating pigilan ang mga susunod na trahedya”.
Roma, Oktubre 7, 2013 – Karagdagang 83 bangkay at umabot na sa169 ang bilang ng mga natagpuang nakulong sa loob ng barkong lumubog noong nakaraang Huwebes sa Lampedusa. Sa kasalukuyan ay 194 ang kabuuang bilang ng mga bangkay kung saan 5 ay mga bata at dalawa ang nagdadalang-tao.
Sa Shelter o prima accoglienza, kung saan kasalukuyan higit sa 950 ang mga refugees ay sama-samang nagpalipas ng hating gabi sa 250 pwesto lamang.
Ang mga kabaong ay hindi na rin sapat. 29 na lamang ang lumabis sa mga dinala noong nakaraang Biyernes ng umaga mula sa Agrigento, ngunit ang mga nakuhang bangkay ng mga maninisid simula madaling araw kaninang umaga ay umabot na sa 83, puro kalalakihan at nag-iisa lamang ang babae.
Sa pier Favaloro ay sumalubong ang sugo ni Pope Francis upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga nakaligtas sa trahedya at ang Minisrto ng Integrasyon Cecil Kyenge na bumisita sa prima accoglienza contrada Imbriacola kung saan natagpuan ang mas lumalalang sitwasyon matapos ang trahedya.
"Tunay na isang kahihiyan, kailangang kumilos sa lalong madaling panahon”, ayon sa Ministro matapos makita ang sitwasyon ng mga bata na napilitang matulog sa mga sasakyan o sa pullman ng mga operators ng shelter dahil sa malakas na pag-ulan. At kontrobersya ang isyu sa kasalukuyan ng hindi paglilipat sa mga refugees na patuloy ang pagdami. Sa Miyerkules ay inaasahan ang European Commission President Barroso . " Ako ay nakakasiguro na sa pagsapit ng araw bna ‘yon ay mailipat na ang mga refugees”, napanutyang ayon sa alkalde na si Giusy Nicolini .
Isang tunay na emerhensya ang sitwasyon. Higit sa 950 refugees ang sama-samang binigyan ng bubong sa pagbuhos ng malakas na ulan noong nakaraang gabi. “Binuksan namin maging ang aming tanggapan , pasilyo at maging ang pullman. Sa ganitong paraan ay binigyan namin ng masisilungan ang lahat, mga kababaihan at lalong higit ang mga bata”, ayon kay Federico Miragliotta, ang direktor ng shelter.
Tinatayang umabot sa 500 ang sakay ng barko, karamihan ay mga Eritreans at Somalis. Ayon sa UN Refugee Agency (UNHCR) ang barko buhat sa Libya ay nasunog kalahating milya bago makarating sa laot.
Ayon sa mga nakaligtas sa trahedya, ay aksidente umanong nasunog ang barko matapos gamitin ng ilan ang mga blanket upang humingi ng saklolo. Wala umanong mga cellphone na magagamit sa paghingi ng tulong. Mabilis na kumalat ang apoy sa isang bahagi ng barko, dahilan ng pagbigat sa iisang bahagi lamang nito at naging dahilan ng paglubog.
Nagtungo si Home Affairs Minister Angelino Alfano sa Lampedusa upang alamin ang mga pangyayari. Nanawagan sa European Union (EU) at humingi ng tulong upang harapin ang kasalukuyang humanitarian crisis ng Italya. “Ito ay isang trahedya ng Europa at hindi lamang ng Italya”, ayon pa kay Alfano.
Idineklara naman ni Prime Minister Enrico Letta ang araw ng (nakaraang) Biyernes bilang Araw ng Pagluluksa ng bansa.
Ayon sa mayor ng Lampedusa Giusi Nicolini, ito ang pinaka malubhang trahedya na naganap sa Italya hanggang sa kasalukuyan.
“Ipanalangin natin ang kaluluwa ng mga naging biktima ng trahedya at ang mga nakaligtas na bigyan ng higit na pananampalataya”, ayon kay Pope Francis.
Samantala, “Kailangang mahinto ang human trafficking”, ayon sa Pangulo ng Republika Giorgio Napolitano.
Kasalukyang mainit ang pagko-kundana sa Bossi-Fini law na malaki ang epekto sa patuloy na trahedya sa Lampedusa.