Ang photography ay isang paraan o isang uri ng paglikha ng larawan sa pamamagitan ng paggamit ng isang gadget o tinatawag na camera.
Milan, Oktubre 7, 2013 – Sa panahon ngayon, marami ang nagkaka-interes sa photography lalo na’t uso ang mga social networking sites kung saan ang bawat indibidwal ay nakakapag-upload ng mga nakunang litrato upang ipakita sa buong mundo, sa pamamagitan nito, ang iba’t ibang mga imahinasyon.
Sa pananaw na ito nagsimula ang United Pinoygraphers Club o UPC sa Milan na pinamumunuan ni Ruel de Lunas bilang presidente.
Ayon kay De Lunas, ang grupo ay nagmula sa apat na malapit na magkakaibigan na kinabibilangan nina Zita Baron, Norman Rivera, Arkay Maloles at ng kasalukuyang presidente.
Ang layunin, aniya sa pagtatag ng grupo ay turuan ang mga Pinoy sa Milan ng mga basic technics sa pagkuha ng litrato at ng wastong paggamit ng “subject” na hindi masisira ang reputasyon ng mga ito.
Bukod sa larangan ng photography ay kanila ring sama-samang pinag-aaralan ang videography. “Alam natin na mahal ang workshop, kung kaya’t isang magandang pagkakataon ang magkaroon ng grupo kung saan nagkakaroon ng sharing of talents.” Dito nagsimula ang pagkakaroon ng mga libreng workshops.
Taong October 15, 2011 naitatag ang UPC.
Ayon pa kay De Lunas, ang United Pinoygrahers Club ay nagsimula sa pagkakaisa ng mga Pilipino sa Milan na may hilig sa photography at videography kung kaya’t tinawag itong “Pinoygraphers”, isang non-profit group sa kanyang pag papaliwanag.
Bahagi din ng layunin ng grupo, bukod sa pagbibigay ng dagdag kaalaman sa mga photographers at sa mga aspiring photographers, at hindi lamang sa kapwa Pilipino kundi pati na rin sa ibang lahi tulad ng German, Peruvian,French.
“Isang French professional photographer na si Christophe Sibilat, na may sarili ding studio sa Paris, ang nahikayat na sumali sa grupo dahil natutuwa sa makabuluhang layunin nito gayun din sa pagiging bukas ng grupo maging sa ibang lahi”, dagdag pa ng UPC president.
Sa kasalukuyan mayroong higit sa 40 ang opisyal na miyembro ng grupo at maaring tumaas pa ang bilang sa dami ng mga Pinoy na nagnanais na sumapi dito.
Samantala sa facebook group page naman ay may higit na 178 ang mga miyembro at inaasahan ang patuloy na pagtaas ng bilang nito.
Sa paglago ng grupo, ay lumaki ang pangangailangan sa sariling studio kung saan maaaring isagawa ang kanilang mga workshops. Ang kanilang studio ay matatagpuan sa via Chopin111, Milan Italy.
Hindi lamang ang pagsasagawa ng mga workshops sa Milan ang kanilang pinagkakaabalahan, iniimbitahan din sila ng mga Filipino communities sa mga karating probinsiya para ng mga events nito, tulad ng Padova, Bergamo , Modena at iba pang mga lugar. Kabilang dito ang mahahalagang pagtitipon tulad ng Sinulog, Santa Crusan, ang mga Consulate events at maging international competition, tulad ng pagsali ng Philipine Dragon boat team na ginanap sa Idroscalo sa Milan kung saan nakasungkit ang Pilipinas ng maraming medalya.
“Hindi namin ito pinagkakakitaan – bigay-diin ni De Lunas. Ang imbitasyon sa grupo para sa iba’t ibang events ay libre at hindi po namin pinababayaran”, bigay-diin ng mga founders at members at pagmamalaking idinagdag na sila ang unang grupo ng mga Pinoy photographers sa Italya na nakapaglabas ng kalendaryo.
Noong nakaraang summer ay nagtungo din ang grupo sa Roma. “Why not road trip?” – ika ng presidente. Sa Roma sila nagsagawa ng tinatawag na “photowalk” mula umaga hanggang gabi sa mga magaganda at hostorical sites ng eternal city. Isang paraan upang ibuhos ang kanilang galing sa larangan ng photography na kanilang napag-aralan sa tuwing nagpapalitan ng mga ideya sa bawat workshops sa kanilang home base.
Masasaksihan din ang malasakit sa bawat miyembro ng grupo hindi lamang sa larangan ng photography kundi bilang magka-kababayan tulad sa paghahanap ng trabaho.
Sa pagwawakas ni De Lunas, inaasahan din, ayon sa mungkahi ng ilang miyembro ang palawakin ang kanilang grupo sa pagkakaroon ng UPC Padova, Sydney Australia, London at Germany.
Samantala, bukas ang grupo sa lahat na nagnanais na palalimin ang kaalaman sa photography at videography.
Sa mga nagnanais na sumapi , tatlong bagay ang itinuturing na kanilang requirements: ang rispeto, loyalty at commitment sa grupo.
Sa nalalapit na pagdiriwang ng inyong ikalawang anibersaryo – nawa’y marami pa kayong maturuan at matulungan sa larangan ng photography. (ulat ni: Chet de Castro Valencia)