1- Paano at kailan nagsimula ang iyong hilig sa pagguhit o painting?
Ako ay isinilang na may angking biyaya sa pagguhit at bata pa lamang ay gumuguhit na ako. Ayon sa kwento ng aking ina, ay maligaya akong naiiwan sa maghapon ng may hawak na lapis at papel upang gumuhit. Sa aking paglaki ay lalong lumalalim ang aking hilig sa pagguhit at pagpinta at dahil dito ay ipinagpatuloy ko ito bilang paraan ng pagpapahiwatig ng mga pangunahing dahilan ng aking pamumuhay.
2- Anong kurso at saang bansa kayo nagtapos?
Ako ay nagtapos ng kolehiyo Bachelor of Fine Arts sa Santo Tomas University sa Maynila at sa pamamagitan ng isang scholarship ay nagtapos ako ng painting sa Accademia di Belle Arti sa Firenze Italy.
3- Sinu-sino ang iyong naging maestro at saan nanggagaling ang iyong inspirasyon sa painting?
Ako ay naging mag-aaral ng kilalang pintor na si Professore Silvio Loffredo sa Accademia di Belle Arti sa Firenze. Nag-training ako sa Stockholm kasama ang ilang mga kabataan sa kilalang studio ng pintor na Swedish na si Staffan Hallstrom. Humahanga ako sa mga impressionistang pintor na frances na sina Camille Pissaro, Edouard Manet, Claude Monet; maging ang pintor na Hollandes na si Rembrandt Harmenszoon van Rijn, at ang pintor na Swedish na si Anders Zorn.
Inspirasyon ko ang kalikasan na nakapaligid sa atin at maging ang sangkatauhan. Ang pagbabagong –anyo at ang pagpapalit-palit ng panahon na maihahambing sa buhay ng tao na parehong nagbibigay ng sapat na kulay at timpla na sanhi ng aking pagnanais na gumuhit.
4- Matapos mapuntahan ang maraming bansa kung saan nagkaroon ka ng pagkakataong magkaroon ng exhibit, anong bansa ang iyong mapipili, kung antas sa sining ang pag-uusapan?
Maaari kong itagubilin ang Stockholm, New York City, Washington DC , Manila, Stamford, Florence: magkakaibang mga lungsod, may kanya-kanyang kulay at iba’t ibang struktura na pumupukaw sa isang malugod na pamumuhay bilang painter. Ang mga lungsod na ito ay mayroong ugat mula iba’t ibang lahi buhat sa iba’t ibang bahagi ng mundo, ang mga imigrante na nagdadala ng sining, kultura, awitin, sayaw, teatro na lumulikha ng kapaligirang mayaman sa larangan ng kultura at sining.
5- Ikaw ay isang klasikong halimbawa, tulad ng maraming Pilipina, sa buong mundo lalo na sa Italya, na ang mga Pilipina ay ‘higit’ kaysa sa karaniwang imahe bilang colf at caregiver. Ano ang iyong mensahe ukol sa kulturang Pilipino na tila ‘tago’ pa sa mga Italians?
Ang kultura ng Pilipinas ay isang mayamang kultura, at nangangailangan ng higit pang oportunidad upang maipakilala ito ng lubos sa mundo sa ngayon.
Ang mga Pilipino na nagtatrabaho sa labas ng ating Inang bayan ay tunay na mahusay na manggagawa, edukado at may pinag-aralan. Ngunit sa kasamaang palad, sa kanilang pagdating sa ibang bansa, ay hindi kinikilala ang kanilang buong katauhan dahil sa ‘maling akala’ na gayunpaman ay maaaring maitama sa pamamagitan ng tamang edukasyon. Sa aking mga exhibit, ay di lamang kwadro ang aking dala, bagkus pati ang ‘kaluluwa’ ng aking bawat kababayan na taglay ko sa aking puso at samakatwid aking itinuturo sa pamamagitan ng sining. Nais kong ihatid sa mga Italians na sila ay mapalad sa pagkakaroon sa kanilang mga tahanan ng colf o caregiver na Pilipino, dala ang kanilang mainit na pamamaraan, at bukal sa loob na pagtulong at pag-aalaga sa iba na katangian ng ating kultura.
Maraming mga kabataang Italyano na lalaki, na matututo, na dadaluyan at hahanga sa katangiang ito at aking inaasahan na nanaisin nilang magtungo sa Pilipinas upang ganap na makilala ang ating magandang bansa .
6- Sa pagwawakas, maaari mo bang bahagyang ipakilala ang nalalapit na exhibit. Saan at kailan namin ito matutunghayan?Ano ang tema ng mga kwadro?
Ang exhibit ay matatagpuan sa Palazzo Medici Riccardi, Via Cavour 1, sa Florence Italy, mula Dec 3, 2013 hanggang Jan 2, 2014. Ang "L'Arte di Lolita Valderrama Savage", ay isang exhibit ng magihit na 40 pintura na gawa sa langis sa canvas, mga landscape ng iba't ibang lugar at larawan ng ibat ibang tao na naging aking inspirasyon simula ng ako ay magtapos sa Fine Arts Academy (Accademia di belle Arti) sa Florence mula sa 1976 hanggang sa kasalukuyan. (ulat at larawan ni Stefano Romano)