in

ITA-FIL CARE: Pagkalinga ng Pamayanang-Pilipino sa Roma sa mga biktima ni ‘Yolanda’

Matapos ang Relief and Rescue Operation ay sinimulan naman ang Rehabilitation Operation o ang long-term commitment ng Ita-Fil Care.

Roma, Disyembre 9, 2013 – Sa pakikipag-tulungan ng ENFID or European Network of Filipino in Diaspora, ay naitatag noong ika-10 ng Nobyembre ang ITA-FIL CARE o Italian-Filipino Concerted Action for Relief, Rescue and Rehabilitation, at puspusan sa paglilikom ng donasyon ang isinagawa ng grupo upang ang pamayanang Pilipino sa Roma, kasama ang mga Italyano at ibang lahi, ay aktibong makiisa sa gawaing Relief & Rescue sa mga lugar na walang-awang hinagupit ng Super-Bagyong Yolanda.

Matatandaan na inampon ng ITA-FIL CARE ang Divine Word Hospital sa Tacloban City, ang ospital na matinding sinalanta ni Yolanda subalit nanatiling bukas at nagkakaloob ng serbisyo sa libu-libong mga sugatan. Pinangakuan ng ITA-FIL CARE ang ospital ng pondo para sa mahigpit na pangangailangan sa gamot at maliliit na medical equipments.

Sa kasalukuyan, ang kabuuang halaga na nai-padala na sa Pilipinas ay € 11,612.26 (679,317.21 pesos sa palitang P58.50 kada euro).  Ginawa ang remittances sa tatlong yugto: € 1.096.90 na personal na dinala sa Tacloban City ni Fr. Erwin Balagapo noong ika-13 ng Nobyiembre;  € 2,500,00 sa pamamagitan n Suorr Benilda, OSB; at € 8,015.36 sa pamamagitan ng Bank Transfer sa OSB Priory. Ang mga Benedictine Sisters (OSB) ang namamahala ng Divine Word Hospital sa loob ng halos 50 taon.

Kabilang sa mga pangunahing grupo na naglikom ang pondo ay ang World Food Program (WFP) Filipino Staff; IFAD staff; IFAD Help Fund; Marlyn Manuel at WFP Zumbathon; Estudyante, Magulang at Staff ng Marymount International School, sa inisyatiba ng estudyanteng si Alessandra Yu.

Sa pagtatapos ng pakikiisa ng ITA-FIL CARE sa Relief and Rescue Operation, kaagad naming sinimulan ang paglilikom ng pondo para sa Rehabilitation Operation. Sa pangmatagalang gawain (long-term commitment) ay nagpasya ang ITA-FIL CARE na ampunin ang Clarin Elementary School sa Bohol na matinding sinira ng malakas ng lindol (7.2 sa Richter scale) noong ika-15 ng Octubre. Tutulungan ng ITA-FIL CARE na maitayo ang mga nagibang classrooms at kumpunihin ang iba pang nasirang facilities, katulad ng Silid-Aklatan ng nasabing paaralan. Hindi bababa sa € 25,000.00 ang kakailanganing likumin para sa proyektong nabanggit. Inaasahang malalampasan ang halagang ito na magpapahintulot na matulungan din ang ibang paaralang nasira naman ng bagyo sa Samar o Leyte.

Sa pormal na paglulunsad ng ITA-FIL CARE sa darating na buwang ng Enero, sa pamamagitan ng ugnayan ng ENFID, Municipio XV (bilang host) at ng iba pang Municipio ng Roma, sampu ng iba’t-ibang grupo o samahan ng Pilipino at Italyano, ay isasagawa ang “Pledging Session”. Naglalayon itong makalikom ng malaking halagang para sa katuparan ng nabanggit na Rehabilitation Projects

Subalit, hindi pa man isinasagawa ang pormal na paglulunsad, ay marami ng grupo ang nagpapahayag na maging “Partners” sa proyekto. Ang Help Fund ng IFAD ay nagpakita ng interes sa proyekto. Kani-niyang gimik ng paglilikom ang gagawin nga iba’t ibang grupo. Kabilang dito ang ginanap na “cena sociale” o Solidarity dinner kamakailan sa Centro Durno “Munting Tahanan” sa Via B. Cerretti, 55 kung saan nakalimkom ng €500.00. Gayun din ang komunidad ng Centro Filippino Cattolico in Cisterna Latina ay nagbigay din ng cash donation ng € 250.00 para sa proyekto. Sa kasalukuyan ay mayroon ng € 2,251.40 na nalilikom. Ang panahon ng paglilikom para sa proyektong ito ay magtatapos sa ika-30 ng Abril 2014.

Sa darating na mga araw ay maglalabas ng official brochure ang ITA-FIL CARE na maaaring ipamahagi upang higit pang makilala ang bagong malawakang koalisyong ito ng mga komunidad at grupong Filipino, Italyano at iba pang lahi. Magkakaroon din ito ng sariling website. Sa ngayon ay maaring sundan ang gawain ng ITA-FIL CARE sa Facebook. Mahalagang mapalakas ang ITA-FIL CARE upang laging handa sa pagbibigay tulong sa Pilipinas.

Pangatlo ang Pilipinas sa sampung “high risk” na bansa sa buong mundo sa natural disasters bunga ng “climate change”, ayon sa pag-aaral ng UN. Nasa Pilipinas ang pintuan ng mga bagyo mula sa Pacific Ocean na sa ngayon ay palakas ng palakas. Tinatayang malaki ang posibilidad na isang mala-Yolandang bagyo ang maaaring rumagasa sa Pilipinas sa darating na panahon. Ang Pilipinas ay nasa hanay din ng bansa, kasama ang Japan, sa Pacific Ring of Fire, ang malimit na gumalaw na bahagi ng mundo. Malaki ang posibilidad ng pagkakaroon ng malakas na lindol.

Sa mga nagkaloob at magkakaloob pa ng tulong, ang ITA-FIL CARE ay nagpapaabot ng pasasalamat at dalangin. Ayon kay Apostol San Pablo, “Huwag maghina sa paggawa ng kabutihan sapagkat sa angkop na panahon ay mag-aani ka ng bunga” (Gal. 6:9). – (Mons. Jerry Bitton – Coordinator ITA-FIL CARE)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Ministry of Labour , “500,000 ang mga dayuhan na walang trabaho, hindi kailangan ang ‘direct hire’

Paano mapapatunayan ang pagkakaroon ng regular na trabaho kung wala na ang contratto di soggiorno?