in

Week of Gratitude, ginagawa sa Italya

Pinagaan nila ang hirap, pinaluwag ang dibdib, pinalakas ang nanlulupaypay na bisig at balikat, ginamot ang mga sugatan, nilagyang laman ang kumakalam na sikmura at binalutan ang nanlalamig na katawan ng mga kapatid natin sa Central Philippines!

Roma, Disyembre 18, 2013 – Ginanap ang isang press conference kahapon sa Philippine Embassy sa Roma kung saan opisyal na inilahad sa  media ang “Week of Gratitude” sa Europa at buong mundo sa naging pagtugon  at patuloy na pagtulong ng maraming bansa sa Pilipinas. Sinimulan noong dec 15 at magtatapos sa dec 22 sa pangunguna ng EnFiD Italy (European Network of Filipino Diaspora).  

Sinimulan ang press conference sa panonood ng mga video clip kung saan mapapanood ang tindi ng hagupit ng super typhoon na tumama sa Central Philippines noong nakaraang Nov 8, at ang pinsalang iniwan nito, ang mga nasawi, pamilyang naulila na nawalan ng tahanan at ikabubuhay, gayun din sa imfrastraktura at agrikultura.

Ayon sa pinakahuling ulat, sinabi ni Ambassador Virgilio Reyes Jr na umabot sa 6,000 ang mga nasawi at higit sa 2,000 ang nawawala at higit sa 27,000 ang sugatan.

Sa kabila nito, binigyang-diin ang naging kasagutan ng maraming bansa. Ang mabilis at konkretong tulong, pakikiisa at pakikiramay.
Pinagaan nila ang hirap, pinaluwag ang dibdib, pinalakas ang nanlulupaypay na bisig at balikat, ginamot ang mga sugatan, nilagyang laman ang kumakalam na sikmura at binalutan ang nanlalamig na katawan ng mga kapatid natin sa Central Philippines!”, ayon kay Monsignor Jerry Bitoon, ang coordinator ng Ita-Fil Care, isang sangay ng ENFid na nakatutok sa humanitarian assistance

At bilang pasasalamat sa higit 40 bansa ay inilunsad ang pagdiriwang ng Week of Gratitude. Ito ay sabay-sabay na ginagawa sa 18 bansa sa Europa at magpapatuloy maging sa United States,  ayon kay Marie Luarca-Reyes, ang Presidente ng ENFiD Europe.

Matatandaang sinimulan sa Roma ang Week of Gratitude ng mga kabataang Pinoy sa ginanap na flashmob noong nakaraang linggo sa stazione Termini.

Samantala, ayon kay Unicef CEO, tinatayang 5.800.000 ang mga batang nawalan ng tahanan, 12,000 ang paaralang nasira at 9,000 kindergarden school. Umabot naman sa halos 450,000 survival kit water purifier ang kanilang ipinamahagi at 35,000 ang mga batang binakunahan ng Unicef.

Binigyang-diin ng Caritas Italiana na panatiliing mainit ang tema ukol sa pangangailangan ng tulong ng Pilipinas para sa reconstruction ng mga lugar na hinagupit at tinatayang mahabang panahon pa ang kakailanganin upang bumalik sa normal na pamumuhay ang mga biktima.

Ayon sa Agire, sa tulong ng 6 pang mga NGOs ay kanilang natugunan ang prime necessities ng 300,000 katao.

Inilahad naman ng mga Konsehal sa Roma ang mga programa ng Filipino community sa Roma ukol sa pangangalap ng tulong sa iba’t-ibang paraan at magpapatuloy pa sa hinaharap bilang pagtugon sa long term program of reconstruction.

Kasabay nito, inilahad ni Monsignor Jerry Bitoon ang nalalapit na pagtitipon sa Jan 12 sa Gran Teatro kung saan magaganap ang ‘pledging’ bilang paraan ng donasyon.

Isang taimtim na panalangin at makabuluhang pagsisindi ng kandila ang naging simula ng pagtitipon upang gunitain ang mga nasawi. Ang liwanang ng kandila ay sumisimbolo bilang liwanag at pag-asa naman sa mga biktima.

Gayunpaman, ang “Week of Gratitude” ay magpapatuloy hanggang sa dec 22 kung kaya’t ang mga Pilipino sa Italya at sa buong mundo ay inaanyayahan na ating masuklian ng mainit, nag-uumapaw at sinserong PASASALAMAT ang mga tumulong sa ating Inang bayan. (ulat ni Pia Gonzalez – larawan ni Stefano Romano)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Dec 18 – International Migrant’s Day

Philippine entry sa 100 presepi