Sa paggunita ng kamatayan ng ating pambansang bayani, isang mahalagang mensahe na ipamana sa mga kabataan ang mga aral na ito bilang tanda ng pagmamahal sa Inang bayan.
Roma, Enero 3, 2014 – Naging makasaysayan ang ika-pitong taon ng paggunita sa kamatayan ni Jose Rizal, ang Pambansang Bayani ng Pilipinas, sa pangunguna ng Philippine Democratic Guardians International Incorporated o PDGII na ginanap noong nakaraang Dec 29 sa Piazzale Manila – Rome, kung saan matatagpuan ang rebulto ng nasabing bayani.
Ang pagdiriwang ay sinimulan sa pamamagitan ng wreath laying at flag raising ceremony kasabay ang pag-awit ng “Lupang Hinirang”.
Sa unang pagkakataon ay nakiisa ang mga opisyales ng OKOR o Order of the Knights of Rizal sa pagdiriwang. Kabilang si Dottor Olivari Dela Moneda, isang historian at Chapter Commander of OKOR-Frosinone.
Sa paggunita sa ika-117 anibersaryo ng kamatayan ni Jose Rizal ay binanggit ni Dottor Olivari Dela Moneda na marami pa ang mga di nabubunyag na kabayanihan nito sa kanyang pananatili sa Europa.
Kasama ang mga dumalong panauhin at ilang Guardians group, isang mahalagang mensahe ang hatid ng pagdiriwang, bukod sa paggunita sa ating pambansang bayani at sa kanyang kabayanihan, ay nararapat na ating ipamana sa mga kabataan ang mga aral na ito bilang tanda ng pagmamahal sa Inang bayan.
Ganap naman ang pasasalamat ni Norberto Fabros, sampu ng kanyang mga kasamahan sa patuloy na pagsuporta sa taunang pagdiriwang na ito.
Matatandaang ang PDGII ay buwanang nagsasagawa ng “Operation Linis” sa Piazzale Manila mula pa ng taong 2004.