in

Roncalli at Wojtyla ganap nang santo

Isang araw na apat na Santo Padre ang sentro ng seremonya.
 
 
 
Roma, Abril 27, 2014 – Tinatayang isang milyon ang mga pilgrims sa St. Peter’s Square hanggang sa Via della Conciliazione kasama ang mga nanood sa mga maxi screens sa Via dei Fori Imperiali, Piazza Navona, Castel Sant’Angelo at Piazza si S. Maria Maggiore. Ang yakap ni Pope Francis kay Pope Benedict XVI bago at pagkatapos ng seremonya. 
 
Ito ay ang araw ng nakalaan para sa apat na Popes, isang natatanging kaganapan sa kasaysayan ng Kristiyanismo. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na sabay na ginanap ang kanonisasyon ng dalawang dating Santo Papa. Ito rin ang unang pagkakataong nagkasama sa seremonya sina dating Santo Papa Benedict XVI at Pope Francis. Sa katunayan, bago at pagkatapos ng pagdiriwang ay binati at niyakap ni Pope Francis si Pope Benedict XVI.
 
Samakatwid, pambihira ang araw na ito dahil apat na Santo Papa ang sentro ng seremonya.

Si John XXIII (1881-1963) ay kilala ring Angelo Giuseppe Roncalli bago siya makilalang Santo Papa habang si John Paul II (1920-2005) ay ipinanganak bilang Karol Jozef Wojtyla.



 
Ang dalawang Santo Papa ay itinuturing na "iconic figure" ng ika-20 siglo, dahil sa kanilang kontribusyon sa pagpapalaganap ng pananampalatayang Katoliko, at maging sa mga naiambag ng mga ito sa kasaysayan ng mundo.
 
Sina Roncalli at Wojtyla ay ganap nang mga santo. Isang mahabang palakpakan at sigaw ng kagalakan sa buong San Peter’s Square matapos ang proklamasyon ni Pope Francis . "Ang mga santo ang nagpapatakbo at bumubuo sa Simbahan," ayon kay Pope sa kanyang homiliya at tinawag si John XXIII bilang “The Good Pope” at si John Paul II bilang “Pope of the Family”.
 
Sa pagtatapos ng pagdiriwang ay binati ng kasalukuyang Papa ang mga mananampalataya, ang awtoridad at mga asosasyon na malaki ang naitulong upang maging “unforgettable” ang araw na ito. Binanggit din ng Papa ang mayor ng Roma, Ignacio Marino at inanyayahayang sumakay sa white jeep. Pinasalamatan din ng Papa ang mga official delegation ng maraming bansa na nakiisa sa pagdiriwang na ito, at lalong higit ang kanilang kontribusyon sa di malilimutang bahagi sa pag-unlad ng sangkatauhan at ng kapayapaan."
 
Matapos ang misa ng kanonisasyon ay umikot ang Santo Padre sa Via della Conciliazione sakay ng white jeep upang batiin ang mga dumalo sa pagdiriwang; isang bagay na wala sa programa. Umaapaw ang mga tao sa Via della Conciliazione at St. Peter’s square hatinggabi pa lamang: ang kalye sa gilid ng Lungotevere hanggang sa Castel Sant’Angelo ay puno rin ng taon na hindi na nakuha pang makalapit sa basilika. Ayon sa Vatican, tinatayang halos isang milyon ang mga mananampalatayang natipon sa Roma.   
 
Dumalo sa makasaysayang pagdiriwang ang 122 international delegations, 10 head of government at 24 head of state kabilang ang Presidente ng Zimbabwe, Robert Mugabe. Dumalo rin ang Presidente ng Republika ng Italya, Giorgio Napolitano kasama ang kanyang maybahay na si Clio. Maging si Premier Renzi at ang kanyang maybahay na si Agnese ay namataan rin sa St. Peter’s. Tatlong mga royalties ang nagkaroon ng pribilehiyo sa pagsusuot ng puti: Sofia , Queen ng Spain, Paola ng Belgium at Marie Teresa ng Luxembourg. Sa pagtatapos, ilang opisyal ang nag-selfie kasama ang Santo Padre.  
 
Dumalo rin ang mga Kinatawan ng iba’t ibang relihiyon gaya ng Orthodox Church, Angelican Church, Judaism at Islam. 
 
Bukod kay Pope Emeritus Benedict XVI, nakasama rin ni Pope Francis sa misa konselebrasyon ang 150 kardinal at mahigit 1,000 obispo mula sa maraming bansa. 
 
Tulad ng inaasahan ay hindi dumalo si Pangulong Noynoy Aquino sa seremonya sa Vatican lalo't nataon na isang araw matapos ang kanonisasyon ay ang pagdalaw naman ni US President Barack Obama sa Pilipinas.
 
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Bagong regulasyon ng mga Consiglieri Aggiunti sa Roma, inaprubahan!

EDCA, nilagdaan ng US at Pilipinas