in

Balidong pasaporte at permit to stay, ibalik bilang natatanging requirements sa OWWA membership

Roma, Mayo 28, 2014 – Muling nagharap kamakailan sa ikalawang pagkakataon sa isang pagpupulong ang Federfil-Italy, Umangat Migrante, Task Force at ang Polo/OWWA upang linawin ang mainit na isyu ng requirements ng OWWA membership. Dinaluhan ang inaasahang huling paglilinaw ng mga opisyal ng mga nabanggit na asosasyon at ni Welfare Officer Loreta Vergara at Heart Fanco.

Bago tuluyang simulan ang naturang pulong, isang ‘report’ ang ginawa ni Federfil-Italy Secretary General Auggie Cruz at Adviser Efren Tila matapos ang naging pagbisita ng mga ito sa tanggapan ni OWWA Director Rosalia Susana B. Catapang sa Maynila, na dapat sanay si OWWA Administrator Carmelita Dimson ang pakay ngunit wala sa tanggapan sa kanilang pagbisita.

Idinulog ng dalawa kay OWWA Director ang hinaing ng mga Pilipino sa Italya  ukol sa mga pagbabago at tila pagpapabigat sa mga requirements na hinihingi ng tanggapan ng OWWA sa pamamagitan ng mga survey na ginawa ng mga grupong nabanggit lakip ang video clip nito. Matatandaang hanggang 2013 ay balidong pasaporte at permit to stay lamang ang mga requirements ngunit sa kasalukuyan ay ang mga sumusunod:

–          Balidong pasaporte

–          Balidong Permit to stay/Carta di soggiorno

–          Katibayan ng present employment, tulad ng alinman sa sumusunod:

a.       INPS (pinakabago)

b.      Busta Paga o Pay Slip (pinakabago)

c.       Existing/latest contract of employment

d.      Anumang katibayan ng kasalaukuyang trabaho tulad ng certification buhat sa kasalukuyang employer lakip ang kopya ng balidong dokumento

Bigay-diin pa ng dalawa na inamin umano ni OWWA Director na hindi niya alam ang ukol sa bollettini Inps na hinihingi sa Italya at ang paghingi umano nito ay batay na sa Labor Attache ng host country.

Mabilis naman ang naging kasagutan ni Weloff sa bagay na ikinagulat ng lahat sa pagpupulong at sinabing maaaring tanggalin ang kontrobersyal na dokumento bilang requirements kung mapapatunayan sa pamamagitan ng ibang dokumentasyon ang present employment.

Ngunit hindi ito ang nais ng mga asosasyon sa pagpupulong. Malinaw ang kanilang kahilingan na ibalik sa balidong pasaporte at balidong permit to stay o carta di soggiorno lamang ang mga requirements. Bagay na, sa kabila ng mga pagsusumikap ng mga opisyales sa Italya, ay hindi nakasalalay umano sa kanila ang mga kasagutan. Dahil dito ay napagkasunduan ng lahat ang paggawa ng isang petisyon o signature campaign sa buong Italya ukol sa hinaing ng karamihan.

Sa pagtatapos, malinaw na napagkasunduan na pansamantalang gawing isang opsyon ang paghingi ng bollettini Inps sa mga Pilipino. Ito ay dahil na rin sa pagkakaroon ng maraming lavoro nero, sanhi ng kasalukuyang krisis sa ekonomiya ng Italya. At sa halip nito ay tanggapin ang deklarasyon ng employer lakip ang personal nitong dokumento.

Inaasahan ng mga Pilipino sa Italya ang mabilisang pagbibigay linaw ng mga kinauukulan ukol sa tema ng OWWA membership at ibang pang tema tulad ng SSS, ang PAG-IBIG mandatory membership at ang OEC o Overseas Employment Certificate, kilala rin bilang Exit Pass sa mga susunod na pagpupulong.

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Ako Ay Pilipino

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA MERS-COV

Consular Outreach ng Philippine Embassy sa Sicily, ginanap