Milan, Hunyo 4, 2014 – Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng mga filipino fashion designers hindi lamang sa Europa pati na rin sa buong mundo, ay nabigyan ng pagkakataong lumahok sa taunang Cannes Fashion Week 2014 ang mga Pilipino sa France.
Sina Jocelyn Gacad (proprietor) at Aresteo Landicho ng Athea Couture ay buong pagmamalaking ipinarada ang kanilang likhang wedding gowns at evening gowns sa Cocktails and Couture na inorganisa ng Planet Fashion TV sa ilalim ng Sea Star Fashion sa Cannes, France.
Si Joana Ronquillo, kilalang hair and Makeup Artist na naka-base sa France ang siyang naging susi sa paglahok ng Athea Couture sa nasabing fashion week.
Partikular ang partesipasyon ng ATHEA COUTURE ng Milan sa Intercontinental Carlton Cannes Hotel kung saan hindi lamang fashion shows ang nasasaksihan kundi maging ang mga Hollywood actors at iba pang mga artists sa buong mundo tuwing may mga idinadaos na international film fests.
Ayon kay Celia Evans CEO at founder ng Sea Star Film na siyang nag-host ng naturang fashion show, ay nagmula pa sa iba’t ibang parte ng mundo ang mga modelo na nagsuot ng mga designed wedding at evening gowns.
“This is my 1st time working with a Filipino designer, and I was a little bit afraid in the beginning but they ended like being the best” wika ng CEO.
Mahigit 5 wedding gowns at 3 evening gowns ang ipinarada sa harap nina Princess Madeleine at Princess Elna Margaret Zu Bentheim mula Sweden at Germany, Marcel Van Lohuizen (Google Staff Software Engineer), mga American at British Celebrities, at ilan pang mga VIPs na dumalo sa nasabing event.
“Combination ng European at Asian fashion ang mga Pinoy kaya kahit saan,nag e-exceed”, wika ni Ares, kasabay ng pagsisiwalat na mahigit isang buwan ang ginawang preparasyon para sa mga gowns sa special event na ito.
Ayon naman kay Jessica Martin, isang French model na nagsuot ng mga likhang-pinoy wedding gowns, ay napaka-kumportableng isuot at napaka-elegante umano ng mga ito. “I love it… I feel like a princess…. like a bride” aniya.
Maliban sa dalawang designers na nagtungo sa Cannes ay kasama din si Romy De Guzman, ang promoter ng Athea Couture; si Caryne Puruganan Magbanua, ang kilalang Hair and Makeup Artist; si Christian Villanueva, ang photographer at sina Frank Gerald Galang at Gilmar Taebas, ang 2 videographers na pawang mga naka- base sa Milan.
Ang grupong ito ay nakipag-team up sa France based Hair & Make-up Artists na sina Joana Ronquillo, Fabio Belli, Joan Cruzat, Gaelle GD na pawang mga nakabase sa France, maging ang isang pinoy photographer na si Jyd Perez.
Kasama rin ang dalawang fashion designers na sina Nicole at Sophi mula sa United Kingdom.
“Gusto kong maging tulay for our community na magkaroon ng chance to show their talents internationally. Hindi tayo mapapahiyang mga filipino sa mga Athea Gowns,” pagmamalaki ni Ronquillo.
Pinili umano ni Ronquillo ang Athea Couture dahil sa world class designs at mga materyales na ginamit nito. Sa katunayan, lalahok din sila sa Milan Fashion Show at sa London Fashion Show sa darating na Setyembre.
“Enjoy naman ako sa pag-makeup sa mga models, another experience for me” masayang kwento ng make-up artist na si Magbanua. Aniya, hindi makapal ang make-up dahil hindi ito isang photoshoot kundi isang fashion show kung saan ang make-up sa mga model ay dapat mag-blend sa mga isinusuot nilang mga gowns.
“Very proud ako as a Filipino! Kaya todo ang pagsuporta ko sa mga kababayan na karapat-dapat na ipagmalaki sa buong mundo” wika ni Gilmar Taebas Milan based videographer.
“Mas mahirap kumuha ng pose ng mga highly trained and experienced models, at hindi mo alam kung anong magandang angolo para sa kanila. Walang take 2 ito” kwento naman ni Christian Villanueva, isang Milan based photographer.
“In general magaganda ang mga models lalo na’t ng isuot nila ang mga gowns na dinesenyo ng Athea Couture”, ang opinyon naman ni Jyd Perez France based photographer.
“Masaya ako at hindi ko inaasahan na magiging successful ang fashion show. Nagpapasalamat ako sa Puong maykapal na hindi tayo pinabayaan at maging sa grupo na sumuporta sa amin”, ayon kay Jocelyn Gacad ang may-ari ng Athea Couture bago masayang nilisan ang lugar na pinagdausan ng fashion show.
“Si Athea ang aking lucky charm”, dagdag pa ng proprietor na ipinangalan sa anak ang Athea Couture. (ulat at larawan ni: Chet de Castro Valencia)