Magandang araw po. Nais kong mag-aplay ng family reunification (o ricongiungimento familiare) para sa aking asawa na binigyan ng order of expulsion isang taon at kalahati na ang nakakaraan noong kami ay hindi pa mag-asawa. Ano po ang maaari kong gawin upang siya ay makabalik sa Italya?
Hunyo 27, 2014 – Maaaring mag-aplay ng family reunification para sa dayuhang nakatanggap ng order of explusion sa Italya kung ang taong ito ay hindi mapanganib para sa kaayusan, katahimikan at seguridad ng sosyedad at ng buong bansa.
Ang miyembro ng pamilya (halimbawa ang asawa sa kasong ito) na naninirahan sa Italya na nagtataglay ng mga requirements na hinihingi ng artikulo 29 ng Batas Pambansa 286/98 tulad ng sapat na sahod, angkop na tahanan at papeles na nagpapatunay ng kanilang relasyon, ay maaaring magsumite ng aplikasyon ng ricongiungimento familiare sa Sportello Unico per l’Immigrazione upang magkaroon ng clearance (o nulla osta).
Pagkatapos nito, ang Questura ay maaaring magbigay ng ‘pansamantalang positibong opinyon’ o parere positivo provvisorio kung sakaling hindi makikita ang maaaring maging hadlang sa muling pagpasok sa Italya ng dayuhan (o hindi iniulat bilang isang panganib sa sosyedad, kung hindi binigyan ng mabigat na penal convictions at kung sinunod ang utos ng deportasyon laban sa kanya).
Sa pagkakataong ipagbigay-alam ng awtoridad na ang dayuhang naghihintay ng nulla osta ay naka-ulat sa SIS o Schengen Information System, ang dayuhang ito ay dapat magsumite ng isang kahilingan o request para sa kanselasyon sa nabanggit na sistema.
Ipinapaalala na bawat Member State ay may iba’t ibang paraan ng access sa SIS. Sa Italya ay tanging ang Ministry of Interior lamang ang may karapatan sa national level ng SIS (N.SIS). Samakatwid, ang request ay maaaring ipadala sa:
Ministero dell’interno
Dipartimento della pubblica sicurezza
Ufficio coordinamento e pianificazione delle forze di polizia
Divisione N.SIS
via Torre di Mezzavia n. 9
00173 Roma,
Lakip ang kopya ng personal document at pahina ng pasaporte kung saan makikita ang timbre sa paglabas ng bansang Italya, o ng Schengen country kung saan nagkaroon ng stop over sa pagbalik sa sariling bansa.
Upang makumpleto ang pag-proseso, ang Sportello Unico per l’Immigrazione ay aanyayahan ang pinatalsik na dayuhan sa Italian Embassy upang i-legalize ang papeles na nagpapatunay sa relasyon sa aplikante.
Matapos ang hakbang na ito, ang Questura ay gagawin ang pagkakansela sa SIS ng dayuhan at pahihintulutan ang releasing ng nulla osta definitivo buhat sa Sportello Unico per l’Immigrazione, balido rin para sa aplikasyon ng entry visa sa Italian Embassy.
Sa sandaling ibigay ang entry visa, ang dayuhan ay muling papasok sa bansang Italya dala ang papeles na nagpapatunay bilang asawa ng aplikante. Sa loob ng 8 araw ay kailangang mag-report sa Sportello Unico per l’Immigrazione na nagbigay rin ng nulla osta upang pirmahan ang integration agreement gayun dina ng aplikasyon para sa permit to stay para sa motivo familiare.