Matagumpay na ginanap ang Batang Idol Grand Finals at Benefit Concert Season II nitong Septiyembre sa Don Orione, Roma.
Ito ang talent search na sinalihan ng 27 mga kabataang Pilipino mula 7 hanggang 14 anyos buhat sa Roma na nagtataglay ng iba’t ibang talento: pagkanta, pagsayaw at pagtugtog ng instrumento.
Labingisa ang mga finalist. Sila ay sina 1) Raffaella Casapao 2) Princess Larido 3) Charlotte Callejo 4) Davide Caruso 5) Kristin May Espinola 6) Liezly Mhay Casapao 7) Naethan Chase Ortiz 8) Hillary Pancho 9) Ilary Jenn Creus 10) Verbo Divino Ensemble 11) Arianna Edgarda Cosipag
Tunay na mahuhusay ang mga kabataan, dahilan kung bakit nahirapan ang mga huradong sina Monsignor Jerry Bitoon, Andrea Bosca, Italian actor at Gilberto Casciani, Italian politician, sa 80% na sumatutal ng criteria sa bawat performace ng mga finalists ng gabing iyon. Samantala ang 20% ng criteria for judging ay nagbuhat naman sa organizers na tumutok sa pag-uugali ng bawat kalahok sa panahon ng selection at kanilang rehearsals.
Tatlo sa mga ito ang napiling grand finalists at nag-uwi ng pinakaka-asam na korona at mahahalagang premyo. Sila ay sina:
Grand Winner – NAETHAN CHASE ORTIZ;
2nd winner – ARIANNA EDGARDA COSIPAG;
3rd winner – DAVIDE CARUSO.
Sa patimpalak na ito, mismong ang 27 batang lumahok sa selection ang nagbigay-aliw sa mga manonood, dahilan ng pagiging isang konsyerto rin ng nasabing palabas. Sa ilalim ng direksyon ni Benjamin Vasquez, positibo ang naging epekto ng konsyerto sa lahat ng lumahok. Hindi alintana kung may trophy man o wala at ramdam sa entablado ang tuwa ng lahat dahil sa pagkakaibigang namagitan sa bawat isa sa kanila.
Kapansin-pansin din, bukod sa pagiging mga supportive, ay ang pagiging talented rin ng mga ‘Mommies’ na nagpakitang gilas sa kanilang pagsasayaw. Makabagbag damdamin naman ang pag-akyat sa entablado ng mga magulang ng bawat lumahok, kasabay ng awitin nina Charles Lorenzo, Keile Soriano at Gabriel Sarmiento na “Iingatan Ka” ni Carol Banawa.
Higit sa lahat, bahagi ng tagumpay na ito ang pagtulong sa mga nangangailangan. Napili ng Batang Idol organizers ang Bag943 bilang beneficiary ng ginanap na concert. Layunin ng Bag943 ang magbigay ng mga school bags sa mga mahihirap na mag-aaral sa Pilipinas upang sa pamamagitan nito ay ma-inspired ang mga mag-aaral na magpatuloy at pagbutihin ang kanilang pag-aaral.
Naglarawan ang buong palabas para sa ikalawang henerasyon na palalimin ang kani-kanilang talento, ang matutunan ang pakikitungo at pakikipag-kaibigan kasabay ang positibong pagharap sa hamon ng paligsahan.
Samantala, ang ACEG (Alona Cochon Entertainment Group) at Filinvest International, bilang mga producer ay nangangako naman na patuloy na paniniwalaan at susuportahan ang magagandang proyekto ukol sa talento ng mga kabataan. “After the huge success last year of the “Batang Idol 2013”, Filinvest and ACEG has decided to remake the talent search show for children. This event will be reaching out more than ever to all sectors here in Rome in pursuing our advocacy to inspire every OFW to bring out their talents in the field of performing arts and to help our less fortunate kababayans in the Philippines”, ayon kay Albert Yalung ng Filinvest.
Matatandaang ginanap noong Mayo 2013 ang Batang Idol Season I kung saan 34 ang mga kabataang lumahok dito.
(ulat ni: Pia Gonzalez Abucay – larawan ni: Stefano Romano)