Roma,Oktubre 1, 2014 – Isang matagumpay na kilos protesta ang isinagawa ng humigit kumulang na limampung ofws sa harap ng Phil- Embassy Roma, Italya noong ika-18 ng Septiyembre 2014 upang igiit ang kagyat na pagresolba sa lumalalang problema ng mga ofws sa Italya sa pagpapa-member sa OWWA at pagkuha ng Overseas exit clearance o OEC.
Matatandaan na matagal ng inirereklamo ng mga migrante sa Italya ang pabago-bago at pinahigpit na patakaran sa pagpapa-member sa OWWA at pagkuha ng OEC. Nagkaroon na din ng serye ng dialogue sa pagitan ng mga lider ng iba’t-ibang organisayon at kinatawan ng OWWA subalit sa halip na maresolba ay nadagdagan pa ang hinihinging rekisitos gaya ng busta paga, certificate of employment na bukod pa sa resibo ng inps at iba pa.
Dahil dito nagkaisa ang mga organisasyon ng mga migrante sa Roma na magsagawa ng petition signing noong ika-12 ng Hunyo 2014 na naglalaman na pahintulutan na lamang ng OWWA na maging rekistitos sa pagpapa-member sa OWWA ang valid na permesso di sogiorno (work permit) at passport ng mga ofws dito sa Italya dahil ito lang naman ang dating hinihingi at maging sa ibang mga ofws na nagtratrabaho sa ibang bansa at kahit sa ating bansa ay ito lamang din ang hinihingi ng mga tanggapan ng OWWA.
Subalit ang nakakalungkot, kahit pa nakaabot na sa kaalaman ng punong tanggapan ng OWWA sa ating bansa ang ating mga hinaing at petisyon, magpasahanggang ngayon ay wala pa rin silang kagyat na aksyon na ginagawa para resolbahin ang hinaing ng mga migrante dito sa Italya sa halip panibagong dagdag na rekisitos at problema sa pagkuha ng OEC ang naranasan na isa nating umuwing kababayan nang hingian siya ng kopya ng plane ticket gayong dati naman na hindi ito kasama sa rekisitos sa pagkuha ng OEC.
Ang masakit pa sa halip na alamin at pakinggan ang hinaing ng mga migrante, matapos ang kilos protesta ay naglabas ng pahayag sa pamamagitan ng Facebook ang ating Labor Attache na may bahid ng paninira sa mga nagsagawa ng kilos protesta at naglantad ng hindi maipaliwanag na bangayan nila ng OWWA officer. Paano nga ba mareresolba ang ating mga hinaing kung sila mismo na pagdudulugan ng ating mga hinaing ay may hindi pagkakaunawaan at bakit kailangan sa facebook pa ito ipabatid gayong maari namang ipatawag sa isang dialogue o pag-uusap ang mga nagsagawa ng kilos protesta.
Dahil sa protestang ito ay naglabas na ng memorandum ang Secretary of Labor na nagsasaad na ipagpapatuloy ng POLO ang onsite OEC Processing nang hindi na gagawing rekisitos ang pag-ibig membership para sa magbabalik bansa na mga Ofws. Bagama’t maituturing na isa itong tagumpay nating mga migrante ay hindi pa rin nito nareresolbahan ang mas malaking kinakaharap na problema nating mga migrante dito sa Italya.
Ang patuloy at paparaming mga hinaing ng mga kapwa migrante sa Italya ang siyang nagtulak na magsagawa ng kilos protesta upang kalampagin at hilingin sa punong tanggapan ng OWWA ang kagyat na pagresolba sa ating makatarungang hinaing. Habang patuloy sa kawalang aksyon ang mga kinauukulan, kagaya ng mga sigaw ng mga sumama sa protesta na magpapatuloy at sisikaping mapalaki ang mga bilang ng lalahok sa mga susunod na kilos protesta hanggang sa maresolba ang makatarungang hinaing ng mga migrante sa Italya.
Ang kilos protesta ay nilahukan ng mga kasapi ng organisasyon mula sa Umangat-Migrante, Makabayang Atas ng Supremo Andress Bonifcio o MASA, Womens Federation in Rome, Italy, mga lider komunidad, mga concerned ofws at mga lider ng iba’t-ibang organisasyon ng mga Ofws sa Roma.
Nagpadala din ng mga mensahe ng pakikiisa ang ibat-ibang organisasyon ng ofws sa syudad ng Milan, Modena, Bologna at Firenze na binasa sa nasabing kilos protesta . (Umangat-Migrante)