Nagsimula bilang domestic helper hanggang sa naging Direttore tecnico di Agenize di viaggio e turismo.
Milan, Oktubre 15, 2014 – Lakas ng loob, sipag, tiyaga, inspirasyon at higit sa lahat ang pagtitiwala sa Diyos ang dahilan kung paano nakarating si Evelyn Amorin sa kanyang magandang katayuan sa buhay dito sa Italya.
Sa pagbabalik-tanaw ni Amorin noong taong 2000, malungkot umano ang kanyang pinagdaanan noong siya’y nakarating sa Italya. “Nag-iisa lamang ako noong dumating sa Milan, may mga tumulong ngunit pansamantala lamang at dahil sa aking sariling sikap at tiyaga, nakarating ako sa aking estado sa ngayon.”
Namasukan sa simula bilang domestica si Amorin. Sinundan pa ito ng ibang marangal na trabaho, pinagsikapan at minahal.
Dagdag pa niya, pagkalipas lamang ng limang taon ay naging sekretarya ito ng isang Italian building administrator sa Milan. Subalit sanhi na rin ng kanyang mataas na ambisyon, siya ay nag resign sa kanyang maayos na employer.
Kahit nag-iisa ay nagtayo ng sariling negosyo, isang travel agency. At sa kanyang pagsusumikap ay lumago ito dahil na rin sa marami ang mga kababayan nating kanyang natulungan upang makarating sa Italya.
Payo ni Amorin na paramaging mapayapa ang pananatili sa Italya ay kailangang sumunod sa mga batas na ipinapairal at igalang ang kasunduan sa pagitan ng Italian government at mga dayuhan, kung pangkabuhayan ang pakay ng mga ito at kung nais nilang makapiling ang kanilang minamahal sa buhay sa bansa.
Lumago at lalong lumakas ang travel agency dahil na rin sa mga kababayan natin, aniya. Dahil dito ay tuloy-tuloy pa rin ang kanyang paglilingkod sa ating mga kababayan. “Kung wala sila, wala din ako ngayon”, dagdag pa ni Amorin.
Si Amorin na rin mismo ang direktang tumutungo sa prefecture sa pagsasa-ayos at pakikipag-ugnayan ukol sa mga papeles ng kanyang mga kliyente.
“Maayos ang aking hangaring makarating ang ating mga kababayan dito kaya’t pinapakinggan din ako ”, ani ni Amorin. Amorin na rin ang karaniwang tawag sa kanya sa Prefuttura dahil sa dami ng kanyang kapangalan sa Milan. “Minsan nga amore ang tawag sa akin eh”, patawang kwento ni Amorin sa Ako ay Pilipino.
Bukod dito, isang travel agency rin ang kanyang sinikap na itaguyod sa Pilipinas. Layunin niya ang mas mabilis na koordinasyon sa pagitan ng dalawang tanggapan sa dalawang bansa.
Dahil dito, mula buwan ng Marso ng taong kasalukuyan ay humigit kumulang 200 kliyente na ang kanyang natulungan. 99% umano ay sa Milan ang tungo at ang natitirang porsiyento ay sa mga karatig rehiyon.
Sa kabila nito ikinalulungkot naman ni Amorin ang hindi pagbibigay ng pagkakataon ng gobyerno ng Italya na makarating ang ilan nating kababayan dahil sa mga discrepancy sa mga dokumento, tulad ng double marriage at ang pagkakaroon ng mga kaso kaya’t hindi nabibigyan ng nulla osta.
Sinigurado rin ni Amorin na legal ang pamamaraan ng kanyang ahensya sa pagpasok ng ating mga kababayan. Kaya’t maliban sa pagiging travel agency ay naging isang multi-services ang tanggapan nito at nadagdag ang pag-aayos ng mga permit to stay, taxes at iba pa. Dahil dito 15% ng mga kliyente ay pawang ibang lahi.
Taong 2013 nang ganap na bigyan ng lisensiyang Direttore Tecnico di Agenzie di Viaggio e Turismo. “I am very very proud dahil ako ang kauna-unahang filipina ang nabigyan ng ganung lisensiya ng Regione Lombardia.”
Maliban sa sariling negosyo ay lumalahok din si Amorin sa mga big events bilang sponsor. “Tutulong ako sa abot ng aking makakaya para sa success ng mga kababayan natin”, wika niya.
Sa lahat ng ito, ang kanyang fil-italian na anak na lalake, si Simone Pani ang nagsilbing inspirasyon ni Amorin sa kanyang negosyo at syang nagpapagaan ng kalooban sa tuwing dumadaan sa mga problema.
Matatandaang si Simone ay binigyan ng modeling contract sa isang French fashion jewelry business sa Paris. Unang sumabak ang teenager sa ginanap na Milan Fashion Week 2014 kamakailan kung saan nakasabayan nito ang mga professional models mula sa Milano at ibang bansa.
“I am proud of Simone not only because i am Evelyn Amorin, his mother, ngunit dahil ako ay Pilipino”, pagtatapos ng Direttrice.
(ni Chet de Castro Valencia)
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]