Nakakatuwang isipin na ang customs and traditions natin sa Pilipinas ay nadadala natin sa ibang bansa lalong higit sa pagsapit ng kapaskuhan.
Milan, Disyembre 18, 2014 – ito ang ginagawa ng isang Ofw sa Milan sa pamamagitan ng paggawa ng puto bumbong gamit ang kawayan at steamer tulad sa Pilipinas.
Sa panayam ng Ako Ay Pilipino kay Dory Selorio, isang baby sitter na tubong San Pedro Laguna, kinuwento nito ang kanyang pagtulong sa kapitbahay at kamag-anak na gumawa ng mga kakanin noong dalaga pa sya. Hindi nga naglaun, patuloy na kwento ni Dory, ay sinubukan din niyang gumawa ng kakanin at isa na rin dito ang puto bumbong.
January 2008 ng siya ay nakarating sa Italya. Pagkalipas ng tatlong taon ay kinuha niya ang kanyang asawa at dalawang anak at paglipas ng isa pang taon ay kinuha niya ang kanyang dalawa pang anak at isang apo.
“Since malaki na ang aming pamilya ngayon, kailangan ng extra income! Kaya kahit nagta-trabaho kaming mag-asawa, nakahiligan ko na rin naman ang gumawa ng mga kakanin at ito ay aking ginawang extra income” wika ni Dory.
Dahil sa natikman ng mga kamag-anak ni Dory ang pambihirang sarap ng kanyang ginagawang kakanin partikular ang puto bumbong ay hinikayat siyang isa-publiko ang kanyang masarap na kakanin.
“Six years na raw silang hindi nakakatikim ng puto bumbong dahil hindi pa sila nakakauwi ng Pilipinas”, dagdag pa ni Dory.
Sa pamamagitan ng social networking site kung saan niya inanunsyo ang paggawa ng puto bumbong ay dinagsa si Dory ng mga orders. Sa unang pagkakataon na naisa-publiko ang kanyang kakanin ay nakagawa ng mahigit 60 orders si Dory.
Teamwork ang segreto ng buong pamilya, habang gumagawa si Dory ng mga puto bumbong mga anak naman niya ang nagde-deliver nito. Minsan ay nagtutungo na mismo ang kanyang mga kliyente sa kanyang bahay.
Mula sa 60 orders na tinanggap ni Dory sa mga unang linggo ng Nobyembre ay umabot na sa mahigit kumulang na 100 orders hanggang sa pagpasok ng Disyembre.Patunay lamang na sa tuwing sumasapit ang kapaskuhan ay natatakam tayong malayo sa Pilipinas sa mga kakanin.
Plano na rin ni Dory na gawing linggo-linggo ang paggawa ng puto bumbong.“Baka gawin ko na every week kasi alam mo naman ang mga kababayan natin dito walang time magluto pero gusto nilang kumain.”
Hindi lamang ang tradisyunal na paraan ng pagluluto ng puto bumbong kundi pati na rin sa balot nito ay tunay namang nakaka-miss! Dahon ng saging ang ginagamit niyang pambalot ng puto bumbong.
Ayon kay Dory naiibsan kahit papaano ang lungkot at homesick ng ilan nating kababayan sa pagtikim ng kanyang puto bumbong. Kahit man lang sa kakanin ay maramdaman nila kahit sa isang saglit ang yakap ng Pilipinas!
At para na rin hindi magkaroon ng kalituhan ang buong pamilya, nakahanda na ang mga plastic bags kung saan nakasulat ang mga pangalan at contact number ng mga kliyente ng ating “Kakanin Queen”.
Chet de Castro Valencia
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]