Rome, Enero 14, 2015 – Sa pangunguna ng Socio Cultural, Sports and Health Committee ng Sentro Filipino Chaplaincy ay isang dialogue ang naganap sa pagitan ng mga lider ng organisasyon/komunidad sa Italya at ng kinatawan ng OWWA na si Gng. Loreta Vergara noong ika-11 ng Enero 2015.
Sa nasabing dialogue, kabilang sa panel sina Egay Bonzon ng Umangat Migrante, Ariel Lachica ng FEDERFIL, Teddy Dalisay ng Socio CSHC, Roderick Ople ng OFW Watch, Bianca Godofredo ng Federation of Women at Jun Ladicho ng Task Force.
Layunin ng dialogue ang linawin at bigyang kasagutan ang patuloy na katanungan at hinaing ng mga migrante sa Italya. Partikular ang isyu ukol sa OWWA o ang Overseas Workers Welfare Administration, isang ahensya sa ilalim ng DOLE (Department of Labor and Employment) na inatasang pangasiwaan ang kapakanan ng mga OFW sa buong mundo.
Requirements for membership, Lifetime membership at pension for retired Ofws, Transparenscy at Representation ang apat na pangunahing tema ng dialogue.
Panawagan ng mga lider ng organisasyon/komunidad sa Italya ang ibalik at ipatupad ang dating alituntunin na passport at kontrata lamang ang kailangang dokumento sa panahong ipinoproseso ang kanyang pagaapply sa trabaho at passport lamang ang kailangan kung siya ay boluntaryong nag-aaplay na maging kasapi sa panahon siya ay nasa labas ng ating bansa.
Ayon kay Gng. Loreta Vergara, pangunahing requirement bilang OWWA member ay ang pagkakaroon ng trabaho. Sa kasalukuyan, sa boluntaryong pagpapa-miyembro ay kanilang tinatanggap ang: pasaporte at permesso di soggiorno per lavoro subordinato lamang. Samantala, kung ang motivo sa permesso di soggiorno ay iba ngunit kasalukuyan namang nagta-trabaho ang aplikante at may employer, ay kanila umanong hinihingan ng supporting docs tulad ng inps o busta paga o contratto di soggiorno o dichiarazione del datore di lavoro. Samantala, parehong supporting docs ang hinihingi ng OWWA kung carta di soggiorno holder ang aplikante.
Binigyang-diin din ni WelOff na walang age limit ang pagiging miyembro, basta’t may trabaho lamang.
Lifetime membership at pension for retired OFWs ang sumunod na hinaing sa ginawang dialogo. Ito umano ay dahil sa maraming Ofws ang higit sa 20 taong nagbabayad ng membership fee sa OWWA at sa isang iglap ay nabubura sa listahan dahil nawalan na ng trabaho o labor contract o dahil sa edad.
Sinagot ni WelOff na kasalukuyang pinag-aaralan ang pagbibigay ng lifetime membership sa ilalim ng suhestyong pagkakaroon ng limang taong tuluy-tuloy na membership. Ngunit ito sa kasalukyan ay wala pang kalinawan.
“Lahat po ay nakalagay at matatagpuan sa aming website”, ang tanging tugon naman ni WelOff ukol sa tema ng transparency.
Bilang panghuling panawagan ay ang higit na reprersentasyon sa BOT o Board of Trustees. Ito ay isang policy making body na binubuo ng 12 miyembro mula sa gobyerno, management (DOLE, DFA,POEA,DoF, DBM) at OFWs (tig iisa sa land-based, sea-based at women). Lahat ay appointees ng Presidente ng Pilipinas.
“Ang komposisyon ay malinaw na minorya ang galing sa hanay ng OFW. Mayroon man ay galing din sa kanilang rekomendasyon o pili ang napupwesto”, ayon sa panel.
Gayunpaman, sa pagtatapos ng dialogue ay ipinayo ni WelOff na gumawa ng proposal kung saan nasasaad ang mga panawagan ng grupo at ito umano ay kanyang personal na ipararating sa kinauukulan.
Bagaman natuwa at inaasahan ng buong panel ang ipinangako ni WelOff , ay hindi pa umano ito tapos at kanilang ipagpapatuloy ang ipaglaban ang mga lehitimong karapatan bilang mga migranteng Pilipino upang matiyak ang mabilis at epektibong pagbibigay ng serbisyo at pagtugon sa problemang kinakaharap ng mga OFW, tulad ng nasasaad na pangunahing layunin ng OWWA: pangalagaan (PROTECTION) ang interes at itaguyod (PROMOTION) ang kapakanan (WELFARE) at kagalingan (WELL-BEING) ng mga OFWs at ng kanilang mga pamilya.
PGA
photo credit: Corazon Rivera