GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME
Ang buwan ng Enero ay buwan ng pagsasaalala sa sakit na Glaucoma, ayon sa www.forumsalute.it.
Ang glaucoma ay isang kundisyon na nagdudulot ng pagkasira sa optic nerves ng iyong mga mata. Ito ay madalas na naiuugnay sa pagtaas ng presyon (intraocular pressure) sa loob ng mata. Kapag tumaas ang presyon, nasisira nito ang mga optic nerves. Ang mga optic nerves ang nagpapadala ng mga imahe sa ating utak. Kapag nagpatuloy ang pagtaas ng presyon sa loob ng mata at hindi maaagapan, ito ay maaaring magresulta sa pagkabulag.
Mayroong dalawang klase ng glaucoma. Ang Open-angle glaucoma at ang Angle-closure glaucoma. Ang open-angle glaucoma o tinatawag din na wide-angle glaucoma, ang pinakamadalas na klase ng glaucoma. Dito ang struktura ng mata ay maaaring mukhang normal, ngunit hindi maayos ang pagdaloy ng likido papunta sa drain ng mata. Ang angle-closure glaucoma naman, o ang tinatawag din na acute o chronic angle-closure o narrow-angle glaucoma, ay hindi karaniwan. Ngunit ito ay maaaring magdulot ng biglang pagkaipon ng presyon sa mata at hindi rin gaano kaayos ang drainage dito dahil masyado makitid ang daanan ng likido.
Karamihan sa mga taong may glaucoma ay walang nararamdamang sintomas sa pag-umpisa ng sakit. Ang madalas na unang senyales nito ay ang pagkawala ng peripheral o side vision. Ngunit madalas, ito ay napapansin lamang kapag malala na ang sakit. Sa biglang pagtaas ng presyon sa mata, ito ay madalas na nagdudulot ng biglang pagsakit ng mata, pagsakit ng ulo, panlalabo ng paningin o ang pagkakakita ng halo o nimbo sa paligid ng ilaw, pagkahilo at pagsusuka, pamumula ng mata o pagkabulag.
Ang glaucoma ang pangunahing sanhi ng pagkabulag sa buong mundo. Nagkakaroon ng glaucoma kapag mataas ang presyon sa loob ng mata. Ang loob ng ating mga mata ay mayroong dumadaloy na fluid o likido na tinatawag na aqueous humor. Kapag nagkaroon ng pagbabara sa daanan nito, hindi ito makakadaloy ng maaayos at magreresulta sa pagkakaroon ng glaucoma. Ang pagbabarang ito ay walang tiyak na sanhi ayon sa mga doctor. Subalit ayon sa kanila, ang glaucoma ay maaaring namamana mula sa ating mga magulang. Ito rin ay maaaring dulot ng kemikal na pinsala sa mata, malubhang impeksiyon ng mata, pagbabara ng mga ugat sa mata, pamamaga ng mata o minsan dahil sa operasyon sa mata para ayusin ang ibang kundisyon. Ang glaucoma ay madalas na nagyayari sa parehong mata at maaaring magkaiba ang lebel ng pinsala.
Mas mataas ang panganib sa mga may edad na higit sa 45 taong gulang, may kasaysayan ng glaucoma sa pamilya, may lahing Asyano o Aprikano, may diabetes, nagkaroon na ng mataas na intraocular pressure, nagkaroon na ng pinsala sa mata, may nearsightedness (myopia), may far sightedness (hyperopia), gumagamit ng Cortisone (steroid) sa mata man o systematically (iniinom o iniineksyon), naninigarilyo at mga may sleep apnea.
Ang glaucoma ay nilulunasan sa pamamagitan ng paggamit ng eyedrops, laser surgery o microsurgery. Ang paggamit ng eyedrops ay maaaring makatulong sa pamamagitan ng pagbawas sa produksyon ng likido sa mata, at pagpapabilis sa paglabas nito. Ang paggamit ng eyedrops regularly ay makakatulong sa pag-iwas o paglala ng glaucoma ayon sa mga doctor. Mahalagang magkaroon ng routine o schedule ang iyong paglalagay ng eyedrops upang maiwasan na makalimutan ito.
Ang laser surgery naman para sa glaucoma ay nakakatulong sa pamamagitan ng pagtaas ng outflow ng likido sa open-angle glaucoma o ang pag-alis ng bara sa angle-closure glaucoma. Sa microsurgery operation para sa glaucoma, ginagawa ang mga doctor ng bagong daanan o daluyan para sa likido sa loob ng mata para ma-drain ito bumaba ang presyon sa mata. Para sa iba, ang glaucoma implant ang pinakamagandang operasyon. Ngunit ito ay maaaring magdulot ng panandalian o permanenteng pagkabulag, pagdudugo o impeksiyon. Para naman sa mga batang ipinanganak na may glaucoma, na tinatawag na infant o congenital glaucoma, ito ay nilulunasan sa pamamagitan ng operasyon dahil sa depektibong drainage system sa mata.
Ang pagkakaroon ng glaucoma ay hindi maaaring pigilan. Ngunit ang maagang deteksyon at maagang paggamot nito ay makakatulong sa pag-control sa sakit na ito. Ang paggamit ng herbal medicines gaya ng Ginkgo Biloba o Marijuana ay maaaring makatulong, ngunit walang sapat na ebidensiya sa paglunas nito sa glaucoma. Mayroon ding mga research na nagsasabi na ang antioxidants na makukuha sa pagkain ng prutas at gulay ay makakatulong sa pagma-manage ng glaucoma ngunit hindi para maiwasan ang pagkabulag.
Mas maiiging magkaroon ng balanced diet, kumain ng masusustansiyang pagkain, iwasan ang mga matatabang pagkain o mga pagkain na mataas ang saturated fat content, salt at sugar. Ugaliin nating kumain ng prutas at gulay na high in fiber. Ang pagkakaroon ng healthy lifestyle, kasama ang tamang diyeta, sapat na ehersisyo at sapat na tulog o pahinga ang pinakamagandang payo para sa mga taong may glaucoma. Iwasang ma-trauma ang mata at magpasuri tuwing magkaroon ng taunang physical exam.
Dahil walang sintomas ang glaucoma, kailangan i-monitor ng iyong Ophthalmologist o Optometrist ang kalagayan ng iyong mga mata upang malaman kung ang treatment ay epektibo. Kung hindi ito epektibo, ang pressure sa iyong mga mata ay maaaring tumaas at maging sanhi ng iyong pagkabulag. Malalaman din nila kung mayroong pagkasira sa iyong mga mata o paningin. Kung gumagamit ng eyedrops sa paglunas ng iyong glaucoma, mahalagang sundin ang payo ng iyong doktor at inumin ang mga niresetang gamot upang maging epektibo ang paggagamot sa iyo. Kailangan mong pumunta sa iyong doktor ng mas madalas. Maaaring every 1-4 months upang masuri kung epektibo ang medical treatment sa iyo at kung stable na ang pressure sa iyong mga mata.
Ang iyong optometrist o ophthalmologist ay maaaring gumamit ng Tonometry Test na ginagamitan ng instrument na tinatawag na Tonometer upang masukat ang pressure sa loob ng iyong mga mata. Maaari ring suriin ang iyong doctor ang iyong paningin gamit ang Perimetry Test. Kailangan mong tumingin ng diretso at sabihin kung mayroon kang nakitang ilaw sa iyong paligid upang makita ang lagay ng iyong peripheral o side vision. Ang likod ng iyong mga mata ay maaari ring suriin gamit ang eyedrops upang mabuksan ang iyong pupil – maaapektuhan nito ang iyong paningin kaya naman mas maiging may makakasama ka sa iyong pag-uwi. Ang gagamitin na mga tests sa iyong mga mata para sa glaucoma ay mas detalyado kaysa sa mga routine eye test na ginagamit sa pagsuri ng mga mata na may normal pa na kalagayan. Humingi ng payo sa iyong doctor para sa karagdagan na impormasyon tungkol sa mga eye tests.
Ang mga pagbabago sa iyong paningin na resulta ng glaucoma ay kadalasang permanente at hindi na maibabalik ang iyong normal na paningin. Kaya naman, ang regular na pagpapa-check-up ng iyong mga mata ay mahalaga sa pag-iwas ng pagkasira ng paningin. Ang mga taong may malubhang pagkawala ng paningin ay maaaring magkaroon ng special optical devices at mga training upang makatulong sa pag-improve ng kanilang paningin.
Loralaine R. (FNA-Rome)
Sources: www.health.wikipilipinas.org, www.buhayofw.com, www.forumsalute.it