Hindi na pinatagal pa ng isang buwan ng Konsulado at inilabas na nito ang kanilang panig hingil sa nakaraang dialogo.
Milan, Enero 22, 2015 – Kamakailan ay matatandaang nagkaroon ng dialogo sa pagitan ng OFW Watch at ng Milan Consulate, hinggil sa mga serbisyong ibinibigay ng naturang tanggapan sa mga manggagawa partikular na sa mga overseas Filipino workers.
Bagaman napagkasunduan ng dalawang panig ang pagkakaroon ng resulta sa loob ng isang buwan, tulad ng nabanggit sa una ng inilathala ng Ako ay Pilipino, ay inilabas na ng Konsulado ang kanilang panig hinggil sa mga tinalakay sa dialogo.
Kasabay nito, nilinaw din ng OFW Watch sa Ako ay Pilipino na sila ang nagpasimula ng nasabing dialogo sa Philippine Consulate General ng Milan, kung saan ang mga dumalong filcom leaders, organisasyon at/o samahan ay nagmula pa sa ilang bahagi ng Lombardy region. Itinakda ang unang petsa ng dialogo subalit ito ay napalitan ng mas maagang petsa.
Matatandaan na tinalakay sa dialogo ang kahilingang magkaroon ng solusyong serbisyo upang matugunan ang pangangailangan sa ‘panahon’ ng mga ofws lalo na’t ang ilan sa mga ito ay manggagaling pa sa iba’t ibang parte ng Lombardy region para mag-file ng application for renewal ng passport at ang releasing ng mga ito, pati na rin ang ilan pang dokumentong kailangan ng bawat OFW.
Kabilang na rito ang Overseas Workers Welfare Administration o OWWA membership para sa mga maggagawa sa ibayong dagat.
Nasasaad sa official statement sa pamamagitan ni Milan Consulate General Marichu Mauro, na maliban sa tig-tatatlong mobile consular services sa mga probinsiya ng Torino, Bologna at Modena, ay magdadagdag sila ng mobile consulate outreach services sa Verona, Brescia, Vicenza, Padova, Parma, Reggio Emilia, Treviso, Mestre at Genova. Ito ay nangangahulugan na mayroong 18 consular services para sa taon 2015, higit ng 2 kumpara sa nakaraang taon at higit ng 8 kumpara sa taong 2013.
Muling ipinapaalala ng Konsulado na walang anumang bayad ang kanilang consular outreach services maliban sa pagprosesyo ng mga dokumento ng bawat manggagawa. Ito ay dahil sa nabalitang reklamo ng ilang kababayan na may mga extra charge umano na binabayaran ang mga ito sa Filipino Community, ayon pa kay Mauro.
Nilinaw din ng Consulate General na ang processing ng mga dokumento ay mula 9:00AM hanggang 2:30PM at ang releasing nito ay mula 3:00PM hanggang 5:00PM, upang magkaroon umano ng magandang takbo ng pagpasok at paglabas ng mga dokumento ng ating mga kababayan.
Bukod dito, ayon sa datos ng Konsulado, ay tumaas sa bilang ang kanilang serbisyo ng 8% simula ng ipatupad ito noong nakaraang Mayo, partikular sa ikalawang bahagi ng taong 2014 kumpara sa parehong panahon ng 2013.
Ipinaalala rin sa nasabing tugon ng Konsulado ang ukol sa OWWA membership.
Ayon kay Undersecretary Jesus Yabes, sa naging pulong sa Filipino Community noong nakaraang taon, ay kinakailangan na ang isang manggagawa ay mayroong employment contract, na nagpapatunay ng pagkakaroon ng trabaho.
Anumang pagbabago ay hindi saklaw ng OWWA. Sakaling may mag-apila hinggil sa batas na ito ay inaanyayahang gumawa ng isang formal request at iparating sa House of Representatives. Ang batas ay kailangang amyemdahan muna ng Philippine Legislature.
Samantala, ang Assistance to National Funds o ATN Funds, naman ay ginagamit sa repatriation at pagpapa-uwi ng bangkay ng mga migranteng Pilipino na may problemang pinansiyal. Ito ay matapos hilingin ng Konsulado sa Department of Foreign Affairs o DFA na sumusuri naman ng request ng mga kababayang nangangailangan.
Isang paglilinaw, sa unang ulat ng Ako ay Pilipino ay inilabas ang mga suhestiyon ng isang panig. Samantala, minabuti at matiyagang hinintay ng lahat ang tugon ng PCG Milan na inilabas naman ng mas maaga kaysa sa inaasahan.
Chet de Castro Valencia
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]