“Ang hiring ay hindi totoo at maraming kulang na requirements” – Prefecture
“Masyadong mahigpit ang mga pamantayan, hindi ganito sa ibang lugar. Dapat linawin ng Ministry of Interior” – Cisl.
Brescia, Enero 28, 2015 – Regularization sa Brescia? Napakabagal. Maliit na bahagi lamang o halos 30% lamang ng mga manggagawang dayuhan na nagsumite ng aplikasyon para sa Regularization 2012 ang natapos at nag-uwi ng permit to stay.
Ang Brescia ay isang mahalagang lalawigan para sa Regularization 2012. Matapos ang Milan, Rome at Naples ay dito mayroong mataas na bilang ng mga aplikasyon: 5222. At ngayon ay napag-alaman na sa 5191 aplikasyong natapos (at para sa 31 ay naghihintay pa rin ng ikalawang opinyon buhat sa Direzione territorial del Lavoro), ay 3662 o 70% nito ay tinanggihan o rejected.
Opisyal na inihayag kamakailan ang datos na ito ni prefect Narcisa Brassesco Pace sa isang pagtitipon kasama ang mga asosasyon at unyon na naging karamay ng mga imigrante sa napakatagal na paghihintay ng resulta ng kanilang mga aplikasyon. Dito ay ipinaliwanang na ang malaking bahagi ng mga ito ay hindi totoo ang hiring at maraming requirements ang kulang.
Sa ilan ay kinailangan pa ang mag-apila sa TAR o Regional Administrative Court. Sa kabuuang 691 apila – ayon pa sa prefect – ay 78% ang rejected at ito ay dahl na rin sa wastong trabaho na ginawa ng mga operators.
Gayunpaman, ay nag-protesta ang mga asosasyon at unyon. “Hindi malinaw kung bakit sa ibang lalawigan, ang mga tinanggihang aplikasyon ay nasa 25 – 30%, habang sa Brescia ay umabot sa 70%. Lahat ba ng kulang sa requirements ay sa Brescia nag-aplay o mayroon talagang problema” ayon kay Giovanna Mantelli, miyembro ng provincial office ng Cisl.
Ang Cisl kasama ang iba pang unyon ay humihingi ng paglilinaw buhat sa Ministry of Interior, “upang maunawaan kung ang pagpapatupad ba sa batas ay batay sa isang interpretasyon ng prefecture. Halimbawa: sa Brescia ay hindi tinanggap na balido, bilang patunay ng pananatili sa Italya, ang sertipiko buhat sa mga pari ng kanilang pag-aaral ng wikang italyano, ngunit sa Bergamo ay tinanggap ang bawat sertipiko na pirmado ng mga pari”.