Sa unang talumpati ng bagong Pangulo ng Republika ay binanggit rin ang “maraming komunidad ng mga dayuhan sa bansa”. Binanggit rin ang humanitarian emergency sa Mediteraneo.
Roma – Pebrero 3, 2015 – Si Sergio Mattarella, 73 anyos, isang constitutional court judge mula sa Sicily ay ang bagong Pangulo ng Republika, matapos mahalal noong nakaraang Sabado, Enero 31, 2014, kung saan nakatanggap ng 665 boto sa ika-apat na botohan ng 1009 miyembro ng Parliyamento; ang Senate at ang Chamber of Deputies – at ang 58 kinatawan ng mga rehiyon.
Kaninang umaga matapos ang panunumpa ay ginawa ng Pangulo ang kanyang unang talumpati sa Parliyamento. Dito ay binati rin ang mga imigrante at binanggit din ang imigrasyon.
"Ang pag-usapan ang pambansang pagkakaisa – bigay-diin ng Pangulo – ay nangangahulugan ng pagbabalik sa bansa ng isang abot-tanaw na pag-asa. Upang ang pag-asang ito ay hindi manatiling pangarap lamang, kailangang muling ibalik ang magbibigkis sa lipunan. Ang hakbang na ito ay isang panawagan sa lahat ng aktibong sangay ng komunidad sa bansa”, paliwanag pa ng bagong Pangulo.
“Sa ating mga kababayan sa buong mundo – dagdag pa ng Pangulo – ay ipinararating ko ang aking malugod na pagbati. Isang mainit na pakikipag-kaibigan naman ang aking ipina-aabot sa maraming komunidad ng mga dayuhan sa ating bansa”.
Binanggit rin ni Matarella ang mga barko kung saan sakay ang maraming nawawalan ng pag-asa na tinatawid ang Mediteraneo: “Ang digmaan, mga pagsabog, ang pag-uusig sa politita, lahi at relihiyon, ang paghihirap at gutom ay sanhi ng malaking bilang ng mga refugees. Milyun-milyong mga indibidwal at pamilya ang tumatakas mula sa sariling bansa at humahanap ng kaligtasan at kinabukasan sa Europa ng batas at demokrasya. "
"Ito ang humanitarian emergency, malala at masakit na dapat na tingnan ng Europen Union ng may higit na pag-iingat, higit na pagdamay at higit na pakikiisa. Ang bansang Italya, paalala ng Pangulo, ay ginawa at ginagawa ang kanyang bahagi at kami ay nagpapasalamat sa lahat ng mga operators sa iba't ibang antas, para sa mapagkumbabang pagganap sa kanilang mga tungkulin.
"At sa international level naman – sa pagtatapos ni Matarella – ang karapat-dapat at kinakailangang aksyon upang mapanatili ang kapayapaan, kung saan malaki ang bahagi ng ating mga military sa maraming misyon, na dapat ay kaagapay ang pagkilos para sa muling pagtatatag ng politika, ekonomiya, lipunan at kultura, na sa kawalan ng mga ito, ang bawat pagsusumikap ay mawawalan ng saysay”.
Matatandaang nagbitiw nitong Enero bilang Pangulo ng Republika si Giorgio Napolitano dahil sa kanyang edad na 89. Nanatili bilang Pangulo ng Republika pagkatapos ng kanyang unang term nitong 2013 dahil sa naging krisis sa PD na nagpatalsik sa dating prime minister na si Romano Prodi.
PGA